“MASYADO na ninyo akong inaapi, Ginoong Pangulo,” ang emosyonal na nasambit ni Sen. Leila De Lima sa kanyang pagharap sa media nitong Miyerkules upang sagutin ang mga bintang sa kanya ni Pangulong Digong. Ang senadora raw ang nang-aapi, ayon naman sa Pangulo.

Matagal na naging chairperson ng Commission on Human Rights, justice secretary at ngayon ay senadora na, patuloy pa rin daw na idinadawit ni De Lima si Digong sa extrajudicial killings. Pinapanagot pa rin daw siya sa United Nations.

Animo’y personal na ang away ng dalawa. Bilang chairperson ng Senate committee on justice and human rights, inimbestigahan ng senadora ang summary execution. Iniharap niyang resource person si Edgar Matobato, na isang hitman at miyembro ng Davao Death Squad. Noong panahong alkalde pa ng Davao ang Pangulo, marami raw silang pinatay, ang iba ay sa utos nito at ng anak nito, ayon kay Matobato.

Sa mababang kapulungan naman, na ang pinuno nitong si Pantaleon Alvarez ay kaalyado ng Pangulo, iniimbestigahan ng House committee on justice ang bentahan ng droga sa New Bilibid Prison (NBP). Mga convicted na holdaper, kidnapper at murderer ang ilan sa mga tumestigo na ang nakinabang daw dito ay si Senadora De Lima noong siya ay justice secretary pa. Pinalabas na ginamit ni De Lima ang pondo para sa kanyang kandidatura noong nakaraang halalan.

Sa mga susunod na pagdinig ay baka ilabas ang sex video raw ng senadora, na pinahintulutan daw ni Speaker Alvarez kung makatutulong ito sa ikaliliwanag ng isyung pinag-uusapan.

Ang problema kina Pangulong Digong at Sen. De Lima, sa away nilang dalawa ay gamit nila ang kapangyarihang ipinagkaloob sa kanila ng bayan. Kaya ang mga institusyong dapat ay nagagamit para sa kapakanan ng bayan, nagagamit sa kanilang pansariling layunin na gibain ang isa’t isa.

Hindi ko alam kung hanggang saan tatagal ang senadora sa running battle nilang ito ng Pangulo. Nasa kamay ni Pangulong Digong ang lahat ng armas upang igupo si Sen. De Lima. Ang kahanga-hanga naman sa senadora, sa kabila nito ay matapang niyang hinaharap ang Pangulo.

May madugong nangyari na sa NBP na ikinasawi ng isang high-profile inmate at ikinasugat ng apat pa. Hindi sana magsilbing senyales ito sa mga susunod pang kabanata ng labanan ng dalawa. (Ric Valmonte)