ANG Botswana Day ay ang pambansang araw ng Republic of Botswana. Ipinagdiriwang ito tuwing Setyembre 30 ng bawat taon para gunitain ang araw noong 1966 nang makamit ng bansa ang kalayaan nito mula sa United Kingdom. Ipinagdiriwang ang araw sa buong bansa na may mga opisyal na talumpati, seremonya, parada, kasiyahan sa lansangan, konsiyerto, at iba pang masasayang kaganapan at aktibidad. Ang pangunahing pinagdarausan ng mga kasiyahan ay ang Gaborone, ang kabisera at pinakamalaking lungsod sa bansa.

Nakikibahagi ang Botswana ng lupang hangganan sa Namibia, South Africa, Zambia, at Zimbabwe. Ikinokonsidera ito na “most popular and exclusive safari destination” ng Africa at tahanan ng mga kilalang landmark, kabilang ang Okavango Delta na noong 2014 ay naging ika-1,000 sa listahan ng UNESCO World Heritage; ang Kalahari Desert, na malaki at bahagyang iga na mabuhanging savanna sa katimugang Africa na umaabot sa 900,000 square kilometers; at ang Chobe National Park, na tinaguriang “The Land of the Giants,” na tahanan ng pinakamaraming populasyon ng elepante sa Africa at kinatatampukan ng 10,000 square kilometers na mayamang ecosystems, iba’t ibang lupain at saganang hayupan at sari-saring uri ng ibon.

Inilalarawan bilang “a dusty one-horse town in the 1960s,” ang kabiserang lungsod nito na Gaborne ay naging “substantial city.” Sa sentro nito ay ang mahahabang hilera ng komersyal na mga negosyo, na tinatawag na Mall, na may hugis semicircle sa lugar ng mga tanggapan ng gobyerno sa kanluran ng mall.

Nagsimula ang magandang ugnayan ng Republic of Botswana at Pilipinas noong 1980. Kabilang sa mga bagay na pinagtutulungan ng dalawa sa nakalipas na mga taon ay ang pangkalusugan, turismo, at kalakalan at pamumuhunan.

Ipinaabot ng Ambassador ng Pilipinas sa Botswana, na si Joseph G. B Angeles, ang Letter of Credence sa President ng Republic of Botswana na si Lt. Gen. Dr. Seretse Khama Ian Khama noong Marso 14, 2016. Mayroong konsuladong tanggapan ang Botswana sa Maynila, habang nasa Gaborone naman ang konsuladong tanggapan ng Pilipinas sa Botswana.

Binabati natin ang mamamayan at ang gobyerno ng Republic of Botswana, sa pangunguna ni President Lt. Gen. Dr. Seretse Khama Ian Khama, sa pagdiriwang ng Botswana Day.