HINIMOK ng isang small at medium-size ship builder ang mga negosyanteng Pinoy at mga tripulante na mamuhunan sa produksiyon ng mga de-kalidad na barko para sa pangangailangang pangtransportasyon ng mga islang komunidad sa bansa at sa pangturismo.
Binuo ng retired marine chief engineer na si Jonathan Rogando Salvador, 48, ang kauna-unahang bakal na RORO vessel sa Aklan na tinatawag na M.V. Mighty Sailor. Ang shipyard niya ay nasa New Washington, ang bayang sinilangan at nilakhan ng yumaong si Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin.
Ang shipbuilding firm ni Salvador na Metallica Marine Consultancy Fabrication and Services ay gumagawa ngayon ng mga yate at maliliit na pleasure boat para sa mga hotel sa Boracay Island, kabilang dito ang Discovery Shores Hotel at Boracay Mandarin Island Hotel. Nagsasagawa rin ito ng mga pagkukumpuni at may drydocking service para sa mga kumpanya ng barko.
Bukod dito, bumuo rin ang kumpanya ni Salvador ng dalawang cruise boat para sa sister company nito, ang Dumaguit-Batan Ferries Corporation (DBFC) at inilunsad kamakailan ang Lagatik River Cruise project sa New Washington.
Nakalikha ito ng maraming trabaho para sa daan-daang empleyado.
Ninais ni Salvador na ang kanyang kumpanya ang maging pangunahing builder/fabricator at supplier ng mga ligtas, maaasahan at makatwiran ang presyo na mga barkong RORO, mga cruise boat, mga yate, mga pleasure boat at iba pang naglalayag, gamit ang mga makabagong disenyo at akmang teknolohiya upang matiyak ang ligtas na paglalayag sa bansa.
Simula nang magtapos sa kolehiyo, namulat na si Salvador sa mga barko at sumailalim sa masusing pag-aaral ng marine engineering at nagsanay pa sa Norway.
Ginamit na motivation ang kanyang pagkahumaling at sapat na kaalaman sa paglalayag, hinihikayat ngayon ni Salvador ang kanyang mga colleague at ang mga mamumuhunan na isulong ang shipbuilding sa bansa. Hinihimok niya ang mga makabayang Pinoy leaders at mga negosyante na tumulong sa pagkakaloob sa mga Pilipinong taga-isla at sa mga turista ng ligtas at maaasahang pasilidad sa transportasyon, lalo na at ang Pilipinas ay binubuo ng mahigit 7,000 isla.
Sumasang-ayon ako na mahalagang mapabuti ang sistema ng ating transportasyong pandagat.
Dahil sa kanyang pagtatagumpay, ginawaran si Salvador ng pamahalaang panglalawigan ng Aklan ng titulong “Outstanding Aklanon in Science and Technology.”
-oOo-
Ipinagmamalaki ng Cabanatuan City sa Nueva Ecija ang bansag dito bilang “Tricycle City of the Philippines”, na aabot sa 10,000 tricycle ang pumapasada sa mga kalsada nito. Kaya naman mistulang katawa-tawa na ipinagbabawal ngayon ng pamahalaang lungsod ang mga tricycle sa mga lansangan sa paligid ng palengke nito.
Kasabay nito, pinapayagan naman ng mga opisyal sa lungsod ang mga kotse at van na pumarada sa parehong lansangan na ipinagbawal sa mga tricycle, kaya naman nagrereklamo ngayon ang mga mamimili kung bakit tinatrato sila bilang second rate citizens kumpara sa mga may-ari ng mga sasakyan. Ano’ng meron? (Johnny Dayang)