SUMADSAD ang piso ng Pilipinas sa pinakamababang halaga nito sa nakalipas na pitong taon at naging P48.41 kada dolyar ng United States sa pagsasara ng Philippine Dealing System nitong Lunes, nakabawi nang bahagya nang sumunod na araw.
Ito ang pinakamababang antas simula nang sumadsad ang piso sa P48.335 noong Setyembre 15, 2009.
Ayon kay Gov. Amando Tetangco, Jr. ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), sinasalamin nito ang kawalang katiyakan ng polisiya sa US Federal Reserve. Bagamat pinananatili nitong matatag ang halaga ng pera, sinasabing tinatantiya ng mga merkado ang rate hike pagkatapos ng halalan sa Amerika sa Nobyembre—na magpapatatag sa dolyar ngunit kasabay nito ay mananamlay naman ang ibang pera, kabilang na ang piso.
Gayunman, nagpahayag ng pagkabahala ang ilang analyst na ang pagsadsad ng halaga ng piso sa palitan nitong Lunes ay may kaugnayan din sa “rising concerns about political stability” bunsod ng mga naging pahayag sa publiko ni Pangulong Duterte para sa European Union, sa United Nations, at kay President Obama at sa puwersang Amerikano sa Mindanao. Ang pagkakaroon ng tensiyon o pagtindi nito ay maaaring magpahina sa loob ng mga mamumuhunan, ayon sa mga analyst. Sinabi ng ilang credit risk rating agency na maaaring ibaba nila ang rating ng bansa kung magpapatuloy ang mga pag-aalinlangang ito.
Nagsusulputan din ang iba pang mga hamon sa ekonomiya na maaaring pinalulubha ng mga bagay na walang kinalaman sa ekonomiya, batay na rin sa pahayag ng isang ekonomista. Dagdag pa, ang madalas na maling pagkakaintindi sa mga pahayag ng Pangulo ay nagpapalala rin sa sitwasyon.
Maaaring sabihin na naging katanggap-tanggap para sa ilang sektor ng bansa ang naging pagsadsad ng piso, partikular na ang ating mga overseas Filipino workers (OFW) na ang mga dolyar na remittance sa kani-kanilang pamilya ay nagpapataas sa halaga ng piso. Ngunit kung magpapatuloy ang pagsadsad ng halaga nito, magdurusa ang ating mga importer at tataas ang presyo ng mga inaangkat na produkto. Ang posibleng pinakakritikal sa mga inaangkat ng bansa ay ang gasolina, diesel, at kerosene na ang halaga ay napakalaki ng epekto sa presyo ng mga produkto at serbisyo.
Umaasa tayong sa pinakamalapit na hinaharap ay magiging matatag na ang halaga ng piso, bago pa ito magkaroon ng masamang epekto sa ating ekonomiya at sa pamumuhay ng ating mamamayan. Wala na marahil tayong magagawa sa kawalang katiyakan sa mga desisyon tungkol sa US Federal Reserve, ngunit mayroon tayong kontrol sa sarili nating mga pagpapasya, hakbangin at pahayag sa publiko na maaaring magdulot ng pag-aalinlangan sa katatagan ng ekonomiya at pulitika sa ating bansa.