Setyembre 29, 1988 nang si Stacy Allison, mula sa Portland Oregon, United States, ay maging unang babaeng American na nakarating sa tuktok ng Mount Everest, ang pinakamataas na bundok sa mundo, gamit ang ruta ng southeast ridge.
Nangyari ang tagumpay na ito ni Allison 13 taon ang nakalipas matapos ang kaparehong tagumpay ni Junko Tabei ng Japan at dalawang taon makaraan ang kay Sharon Wood ng Canada.
Miyembro ng Northwest American Everest Expediton, nagsimulang umakyat ng bundok si Allison noong estudyante pa lang siya ng Oregon State University. Naganap ang una niyang major climb sa Mount Huntington, sa edad na 21, ngunit napilitang bumaba matapos maputol ang palakol ng kasamahan niyang lalaki, may 200 talampakan na lang ang layo sa tuktok.
Upang makapaglingkod sa kanyang komunidad, nagsilbi si Allison bilang chairperson ng “Reach the Summit,” ang pinakamalaking fundraiser sa Oregon para sa American Lung Association. Siya rin ang awtor ng “Many Mountains to Climb: Reflections on Competence, Courage, and Commitment” at co-author ng “Beyond the Limits: A Woman’s Triumph on Everest” kasama si Peter Carlin.