SA tindi ng paninindigan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lahat halos ng isyu, mahirap paniwalaan na siya ay biglang umamin sa isang pagkakamali. Nanibago ang sambayanan sa pagsambit niya kamakalawa ng “I am sorry” sa mga naisama sa narco-list; tahasan niyang inamin na si Rep. Amado Espino, dating gobernador ng Pangasinan at dalawang iba pang opisyal, ay hindi dapat maisama sa listahan ng mga sangkot sa kasumpa-sumpang sindikato ng ipinagbabawal na droga.

Hindi maitatago ang nakasisindak na mga patutsada ng Pangulo sa sinumang inaakala niyang nanghihimasok sa kanyang panunungkulan bilang ama ng sambayanang Pilipino. Narinig na natin kung paano niya tinalampak ang mga lider ng iba’t ibang bansa na tulad nina Barack Obama ng United States, United Nations Secretary General Ban Ki-moon at iba pa.

Subalit kagyat naman siyang humihingi ng paumanhin sa inaakala niyang mga pagkakamali. Nobody is perfect, wika nga.

Maliwanag na ang gayong pangangatuwiran ay naunawaan naman ni Rep. Espino. Bagamat naganap na ang mistulang pagyurak sa kanyang pagkatao, buong-puso pa rin siyang nagpasalamat sa Pangulo kaakibat ng pangako na siya ay puspusang susuporta sa maigting na kampanya laban sa illegal drugs.

Kahit na si dating Presidente Gloria Arroyo, ngayon ay Kongresista ng Pampanga, ay wala ring pag-aatubiling humingi ng ‘I am sorry’ sa inaakala niyang isa ring pagkakamali. Kaugnay ito ng masasalimuot na isyu sa kasagsagan ng idinaos na presidential elections na sinasabing nabahiran ng mga alingasngas.

Hindi ko matiyak kung si dating President PNoy Auino ay humingi rin ng ‘I am sorry’ sa mga pagkakamaling ipinupukol sa kanya ng mga mamamayan. Kabilang dito, halimbawa, ang paghingi ng paumanhin sa China government kaugnay ng pagkamatay ng mga Hong Kong tourist sa isang hostage-taking sa Luneta noong kanyang panunungkulan. Gayundin ang umano’y pagkabigo niyang unahing makidalamhati sa mga biktima ng malagim na Mamasapano massacre na inihatid sa Philippine Air Force headquarters. May ulat na ‘tila inuna pang daluhan ng Pangulo ang inagurasyon ng isang malaking car manufacturer sa Laguna. Hindi ko rin matiyak kung inihingi ng paumanhin ng Pangulo ang mga kapalpakan ng ilang miyembro ng kanyang Gabinete.

At lalong hindi ko matiyak kung humingi ng paumanhin si Senador Antonio Trillanes nang patayan niya ng mikropono si Sen. Alan Peter Cayetano sa extrajudicial killings (EJK) hearing sa Senado.

Anupa’t marapat lamang na isaisip at isapuso ng sinuman na ang paghingi ng paumanhin sa anumang pagkakamali ay isang simbolo ng pagpapakumbaba. (Celo Lagmay)