TALAGANG napipikon si President Rodrigo Roa Duterte kapag siya ay inuusisa o kinukuwestiyon tungkol sa human rights violations at extrajudicial killings ng kanyang administrasyon. Kahit sino ka man, tiyak na tatamaan ka ng kanyang galit at pagmumura. Naranasan na ito nina US Pres. Barack Obama, UN Secretary General Ban Ki-moon, ng European Union, at higit sa lahat, ni Sen. Leila de Lima.

Sa tindi ng galit ni Mano Digong kay De Lima, tinawag niya ang senadora na “immoral woman” na nagkarelasyon sa driver nito na tagakubra umano ng drug money mula sa mga drug lord sa New Bilibid Prison (NBP) noong ito pa ang DoJ Secretary, para gamitin daw sa pagkandidato.

Nagtataka lang ang mga observer kung bakit ginamit ni DoJ Sec. Vitaliano Aguirre II ang mga convicted prisoner laban kay Sen. Leila gayong convicted sila at siyempre pa, sira ang mga kredibilidad. Tsaka hindi sila ubrang sumalungat sa kagustuhan ng DoJ, na saklaw ang NBP.

Nitong nakaraang ilang araw, hinamon ni RRD sina Ban Ki-moon, ang EU, at ang UN rapporteurs na magpunta sa ‘Pinas upang mag-imbestiga sa sinasabing human rights violations at EJK, na kagagawan ng Duterte administration, kaugnay ng pakikidigma sa illegal drugs at kriminalidad. Pati si Obama ay pinapupunta niya para magsiyasat sa kondisyong tatanungin din niya sila tungkol naman sa mga insidente ng human rights violations at EJK sa kani-kanilang bansa.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Aminado si President Rody na siya ay palamura. Sa banner story ng isang English broadsheet noong Sabado, ganito ang nakasulat: “Rody: My mouth is my weakness, my strength.”Sinabi ni RRD na hindi dapat mangamba ang mga Pinoy sa kanyang pagmumura (cursing). “Do not complain about my mouth, this is my asset. My mouth is my weakness, this is also my strength.”

Hindi raw problema ang kanyang bunganga (dila), hindi raw ito magiging dahilan sa pagbagsak ng ‘Pinas.

Hinamon pa niyang magsilayas ang mga foreign investor sa bansa kung sila’y naaasar sa kanyang maasidong dila at sa kung anu-anong pahayag niya. Hindi raw siya natatakot dahil babaling naman siya sa China at Russia, na ngayon daw ay nag-aabang sa kanya.

Kuwestiyon: Papayag ba ang sambayanang Pilipino sa planong pagkiling sa China, na ngayon ay umuokupa sa ating Panatag Shoal at sa iba pang reef sa West Philippine Sea, at nagtataboy sa ating mga mangingisda, at sa Russia?

Sabi nga ni Sen. Delilah, este Sen. De Lima, si DU30 raw ay hindi lang woman-hater kundi isa pang “chauvinist”.

Bulong ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko, posible raw na hindi woman-hater ang pangulo kundi baka lover boy pa, o baka naman daw isang sadista na nasisiyahan sa pagpapahirap sa mga kalaban.

Ano sa palagay n’yo?