Kinasuhan ng graft sa Sandiganbayan si dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Gov. Nur Misuari dahil sa umano’y maanomalyang pagbili ng educational materials na aabot sa P137.5 milyon, noong 2000.
Si Misuari, founding chairman ng Moro National Liberation Front (MNLF), ay sinampahan ng tatlong bilang ng paglabag sa Section 3(e) ng RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at tatlong malversation of public funds.
Bukod sa kanya, kinasuhan din sina Department of Education (DepEd) ARMM executives Director Leovigilda Cinches, Supply Officer Sittie Aisa Usman, Accountant Alladin Usi, Chief Accountant Pangalian Maniri, Education Program Specialist Bai Sherilyn Mustapha; at Commission on Audit (CoA) Auditor Nader Macagaan.
Kabilang din sa ipinagharap ng kaso ng Office of the Ombudsman ang mga supplier na sina Lolita Sambeli, ng White Orchids; Cristeta Ramirez, ng CPR Publishing; Mario Barria, ng Esteem Enterprises; at Ma. Lourdes Mendoza, ng Dunong Publishing.
Pinagbatayan ng Ombudsman sa pagsasampa ng kaso ang audit report ng CoA, na nagsabing inaprubahan ni Misuari bilang gobernador ang pagbabayad ng P137,511,108.14 sa limang supplier ng textbooks at educational materials kahit hindi ito dumaan sa public bidding. (Rommel P. Tabbad0