BUTUAN CITY – Libu-libong empleyado sa minahan ang mawawalan ng trabaho sa pagkakasuspinde ng operasyon ng mga mining company sa Surigao del Norte, Agusan del Norte, Surigao del Sur at Dinagat Islands.

Sa Surigao del Norte at Surigao del Sur pa lamang ay aabot na sa 8,000 manggagawa ang mawawalan ng hanapbuhay dahil sa pagsuspinde sa mga kumpanya ng minahan.

Masusi na ngayon ang ugnayan ng mga lokal na pamahalaan, ng Department of Labor and Employment (DoLE) at iba pang kinauukulang ahensiya ng gobyerno upang maresolba ang nakaambang problema sa malawakang pagkawala ng trabaho.

Labinlima sa 20 sinuspindeng mining company ay nasa Caraga region, at ilan sa mga ito ay mayroong Mineral Processing Sharing Agreement (MPSA) sa gobyerno.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Matatandaang inihayag nitong Martes ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Gina Lopez, kasama si Undersecretary Leo Jasareno, ang pagpapasara sa 20 kumpanya ng minahan dahil sa paglabag sa environmental law.

Tinukoy ni Lopez na kabilang sa mga paglabag ng nasabing bilang ng minahan ang kawalan ng permit sa pamumutol ng mga puno, kawalan ng sistema sa pagmimina, at pagtatapon ng dumi ng minahan sa mga ilog.

Kabilang sa mga sinuspinde ang Libjo Mining Corporation, AAM-Phil Natural Resources Exploration and Development Corporation-Parcel 1 at Parcel 2B, Krominco, Inc., Carrascal Nickel Corporation, Marcventures Mining and Development Corp., Filminera Resources Corp., Strongbuilt Mining Development Corp., Sinosteel Philippines HY Mining Corp., Oriental Synergy Mining Corporation.

Iniutos din ang suspensiyon sa Wellex Mining Corp., Century Peak Corp.-Rapid City Nickel Project at Casiguran Nickel Project, Oriental Vision Mining Philippines Corp., CTP Construction and Mining Corp., Agata Mining Ventures, Inc., Hinatuan Mining Corp., Benguet Corp., Lepanto Consolidated Mining Company, OceanaGold Phils, Inc., Adnama Mining Resources, Inc., at SR Metals, Incorporated.

Binigyan ng DENR ng pitong araw ang naturang mga kumpanya upang magpaliwanag kung bakit hindi dapat na ipatigil ang kani-kanilang operasyon.

THUMBS UP!

Kasabay nito, pinuri naman ni Dinagat Island Rep. Arlene “Kaka” Bag-ao ang istriktong pagpapatupad ni Lopez ng batas pangkalikasan.

“We are looking towards environmental conservation and eco-tourism to create more jobs for our communities but this has to start in the grassroots level,” ani Bag-ao.

Sinegundahan naman ito ng sektor ng relihiyon sa Caraga, kabilang ang Caraga Watch, Caraga Conference for Peace and Development at CCMCL Baywatch Foundation.