Ang panganib ng ilegal na droga ay wawasak sa mahalagang buhay ng tao, at magdudulot ng dalamhati sa mga pamilya.
Ito ang nakasaad sa bukas na liham kay Pangulong Rodrigo Duterte ng isang inang nagdadalamhati sa kalungkutan dahil ang kanyang 18-anyos na anak ay nalulong sa droga at sumasailalim ngayon sa rehabilitation treatment.
Nabatid na ang nagpadala ng liham ay may pen name na “A Mother Who Will Not Give Up”, Mothers Against Drugs (MAD).
Ang liham ay ipinadala kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Isidro S. Lapeña.
Masakit sa kalooban ng isang ina na masaksihan ang pagkasira ng kanyang anak na lalaki na dating mapagmahal at masunurin, ngunit naging magnanakaw nang malulong sa ipinagbabawal na droga.
Sa mga hindi mabilang na mga ina na nawasak ang kanilang puso’t kalooban dahil sa pagkasira ng kanilang anak dahil sa banta ng droga, nananalangin sila na ang kanilang mga anak ay mabiyayaan ng bagong buhay at daan ng magandang kinabukasan sa hinaharap.
“Mr. President, I fully support your campaign against drugs that have destroyed the lives of many promising young people. Do not be disheartened by people who criticize your campaign against the pushers and the drug lords,” nakasaad sa liham.
Sinabi naman ni Lapeña na naniniwala siya na ang karanasan ay pinamagaling na guro. Hindi ganap na mauunawaan ang sitwasyon hanggang sa maranasan ito lalo na ang mga ina na walang inisip kundi pawang kabutihan ng kanilang mga anak.
(Jun Fabon)