ITO ang aral na kailangang yakapin ng mga lungsod at iba’t ibang bayan sa bansa kaugnay ng patung-patong na maling polisiya at nababayarang palakad sa tinaguriang “Urban Development at Land Use” ng Metro Manila.

Pasintabi sa mga naninirahan sa Kalakhang Manila, senyales ito na dapat asahang titindi pa ang trapiko, pati ang pamumuhay, dahil dahan-dahang sinasakal ang lumiliit (at balang araw ay magiging kakarampot na lang) na espasyo ng lumolobong populasyon, para sa mga sasakyan, shopping mall at condominiums, ang basura, maduming hangin na nakaka-cancer (bumabalot na polusyon sa kalunsuran), mga ospital at paaralang matataob sa taun-taong pagdami ng mga kailangang maserbisyuhan. Kung sa kasalukuyan ay ganito na kagrabe ang kalagayan ng mga nabanggit, paano pa sa hinaharap, o lima hanggang 10 taon mula ngayon?

Matagal ko nang binatingaw ang tagilid na pagkopya ng, halimbawa, mga siyudad ng Baguio, Tagaytay, Cebu, Davao, atbp.

sa Metro Manila. Plakadung-plakado ang estilo ng pagpaplano at pagpapalaki sa mga nasabing lungsod sa itinuturing na sentro ng bansa. Kaya tuloy hindi aksidente na maging ang mga problemang iniluluwal, kinopya rin!

Halimbawa, ang Cebu ay tinukoy ng Waze, isang mobile app, bilang “worse place to drive”.

Eto ulit tayo, dahil sa sumasamang lagay ng trapiko sa Cebu City, pagawaang bayan, atbp., naghalu-halo na ang samu’t saring problema.

Andyan uli ang walang pangmalayuang pananaw at planong nabuo para sa pagpapalawig sa “Queen City of the South”. Bale ba, bara-bara ulit. Kung ano lang ang maisip, aprubado agad, lalo kung may “lagay” ang pagpapatayo sa kahit anong gusali.

Saan ka naman nakakita, katulad sa Manggo Avenue, na ma-traffic na, pinayagan pa ang pinakamataas na condominium na itayo sa lalawigan, kaharap ng isang malaking paaralan na tuwing hapon ay maraming kotse ang sumusundo sa naglalabasang mag-aaral! ‘Di ba, ang talino?!

Sa mga dayo, pansinin n’yo na may ilang hotel sa Cebu na parang sari-sari store lang ang harapan, at paglabas n’yo ay kalsada agad. Walang “setback” bago ang kalsada!

Kadalasan kasi, ang negosyanteng mayaman, iba nila ang kapital mula sa China, ang nagpapatayo ng mga condominium.

Sila ang nasusunod sa pagpapanday ng ating lungsod, hindi ang mga bayarang opisyal.

Muntikan pang mawalan ng Mactan Airport ang Cebu noon, dahil ibebenta sa mga developer ng lupa. Ang runway ng eroplano, gagawing Ayala Avenue sana. Buti binatikos.

Kaya, huwag tularan! (Erik Espina)