Nagsaksakan ang high-profile inmates, na kilala sa kalakalan ng ilegal na droga, sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City kahapon ng umaga, at isang Chinese drug lord ang nasawi, samantala tatlong iba pa ang nasugatan.

Ayon kay Bureau of Corrections (BuCor) officer-in-charge Rolando Asuncion, nasawi sa riot si Tony Co, samantala sugatan naman sina Peter Co, Vicente Sy, Clarence Dongail, at Jaybee Sebastian. Ang huli ay magugunitang iniuugnay kay Sen. Leila de Lima.

Dakong 7:40 ng umaga, isang preso umano ang nakapansin na tatlong Chinese prisoners ang nagdodroga sa lugar ni Tony Co.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Inireport niya ito kay Dongail na nagsabing itigil na ang ‘pagbatak’ dahil baka mahuli sila ng mga tauhan ng PNP-Special Action Force.

Pagkatapos nito, nagpunta sa common area si Dongail, kung saan doon ay manonood naman sana ng telebisyon si Sebastian. Kasunod nito ay nagsaksakan na ang mga preso, at kritikal ngayon ang kondisyon nina Sy at Co.

“Superficial injuries” umano ang natamo ni Sebastian, samantala galos lang kay Dongail.

Ang pangyayari, na ayon kay Asuncion ay ordinaryong riot, ay nangyari isang linggo bago tumestigo sa congressional hearing si Sebastian.

‘DI DAPAT MAMATAY SI SEBASTIAN

Samantala, sinabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na hindi dapat mamatay si Sebastian.

“Ito ay hindi tama, hindi maganda sa gobyerno (na) mamatay si Jaybee Sebastian sapagkat siya ang inaasahan naming mag-spill ng beans. Diretso ‘yan kay Sen. (Leila) de Lima kaya ayaw naming patay ‘yan, gusto naming buhay siya,” ani Aguirre.

Magugunita na sinabi ng mga convict sa pagdinig sa Kamara na si Sebastian ang umano’y hari ng Bilibid at nangalap ng drug money para pondohan ang senatorial bid ni De Lima, na mariin namang itinanggi ng huli.

MAY PUMIPIGIL KAY SEBASTIAN

Samantala, mayroon umanong pwersa na pumipigil kay Sebastian para tumestigo sa Kongreso.

Ito naman ang paniwala ni House Speaker Pantaleon Alvarez kaugnay ng nakatakdang pagsalang ng drug lord sa pagdinig sa Oktubre 5.

“This is sad because apparently, there are forces na ayaw mag-testify si Jaybee Sebastian,” ani Alvarez, bilang reaksyon sa riot sa Bilibid.

“Tingnan natin kung ano ang motibo kung sino ang mga nasa likod nito (riot),” ayon kay Alvarez, na nagtataka kung “bakit ngayon lang sila nagpapatayan at targeted pa ang resource persons?” (JONATHAN M. HICAP at CHARISSA M. LUCI)