Nilinaw ng Department of Health (DoH) na libre lamang nilang ipinagkakaloob sa mga pasyente ang pagsusuri sa Zika virus.
Kaugnay nito, hinikayat ng DoH ang publiko na mag-avail ng naturang free tests sa mga health center at mga pagamutan, sakaling makaramdam sila ng anumang sintomas nito.
Ayon kay Health Secretary Paulyn Ubial, ang mga taong makakaramdam ng lagnat, conjunctivitis o pamumula ng mata (sore eyes), pananakit ng kasu-kasuan, at rashes, ay dapat nang magpasuri laban sa Zika.
Nabatid na ang Zika ay may mga sintomas na kahalintulad ng sa dengue at Chikungunya, na nakukuha rin sa kagat ng lamok.
“They don’t have to pay for it because it is part of our campaign to actually map out the possible areas where Zika is transmitting,” anang kalihim, sa panayam sa telebisyon.
Sa kasalukuyan ay 12 na ang kaso ng Zika na naitala sa bansa.
Isa sa mga pasyente, na matatagpuan sa Cebu ay kumpirmadong buntis, ngunit tiniyak na ng DoH na hindi pa apektado ng virus ang sanggol na ipinagbubuntis nito.
Una nang sinabi ng DoH na ang Zika ay hindi naman nakamamatay at mild lamang, gayunman, iniuugnay ito sa pagkakaroon ng birth defect na microcephaly o pagliit ng ulo ng mga sanggol, kung ang pasyente ay buntis nang tamaan ng virus.
(Mary Ann Santiago)