Kapwa naghahangad ng ikaanim na sunod na kampeonato, ipinagpatuloy ng Centro Escolar University at De La Salle Zobel ang dominanteng kampanya sa basketball competition ng 47th WNCAA nitong weekend.
Tinalo ng CEU ang Miriam, 74-13,sa senior division sa St. Scholastica gym para sa ikatlong sunod nilang panalo habang naitala naman ng DLSZ ang ika-4 na sunod na panalo sa midget level matapos gapiin ang St. Paul College Pasig, 49-46, sa SPCP gym.
Sa iba pang resulta, nagsalo ang defending junior champion Chiang Kai Shek College at Miriam sa pangingibabaw sa Junior A sa barahang, 2-1 , matapos magwagi sa St. Paul (87-29) at Assumption College (54-21), ayon sa pagkakasunod.
Sa senior volleyball, rumatsada ang San Beda sa ika-4 na sunod na panalo matapos gapiin ang University of Asia and the Pacific, 25-14, 25-19, 25-16 sa Rizal Memorial Coliseum.
Tumabla ang junior Red Lions sa liderato ng Group A kasama ng defending champion Miriam sa barahang 3-0.
Magkasalo naman ang DLSZ at St. Scholastica sa ibabaw ng midget division sa barahang 4-0 matapos gapiin ang Miriam (25-10, 25-9) at Assumption (25-14, 25-19). (Marivic Awitan)