NASA magkabilang panig ang Pilipinas at Vietnam noong Vietnam War na nagtapos noong 1955. Nagtungo ang mga Pilipinong doktor sa South Vietnam noong 1954 sa ilalim ng Operation Brotherhood na tumulong sa mga Vietnamese refugee sa digmaan ng South laban sa komunistang North. Nagpadala si Pangulong Ferdinand Marcos ng 2,000 combat engineer upang ayudahan ang South, kumpleto sa mga patrol boat, mga armas at iba pang kagamitan mula sa United States. Nagapi ang Saigon, ang kabisera ng South, noong Abril 30, 1975, at isang nagkakaisang Vietnam, na naging kabisera ang Hanoi, ang itinatag matapos ang mahabang digmaan.
Nangyari iyon 41 taon na ang nakalipas at naging bumuti na ang ating ugnayan sa Vietnam simula noon. Pinagtibay ang pormal na ugnayan ng ating mga bansa noong 1976, at patuloy na naging malapit sa isa’t isa sa kabila ng magkakontra ang mga bansang kaalyado ng bawat isa noong Cold War. Ngayon, isa ang Vietnam sa pinakamalalapit na bansa sa Pilipinas sa bahaging ito natin sa planeta, isang kapwa kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Dahil lagi nang kapos ang Pilipinas sa supply ng bigas, taun-taon tayong nagpapasaklolo sa Vietnam at sa isa pa nating kalapit-bansa sa ASEAN, ang Thailand, para maging sapat ang kinakailangan nating bigas. Hinihimok ng Vietnam ang pamumuhunan sa Pilipinas kasabay ng pagpapaigting sa kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa. Mayroon silang kasunduan sa pagbabahagi ng mga impormasyon sa pagitan ng Philippine Navy at ng People’s Navy ng Vietnam.
Ngunit ang usapin sa South China Sea (SCS) ang higit na nagpalapit sa ugnayan ng Pilipinas at Vietnam. Ang Vietnam, tulad ng Pilipinas, ay mayroon ding inaangking maliliit na isla sa South China Sea, na iginigiit ng China na saklaw ng nine-dash nito. Pinili naman ng mga opisyal ng Pilipinas sa nakalipas na administrasyon na tawagin ang South China Sea bilang West Philippine Sea, ngunit mas makabubuting tawagin na lang itong Southeast Asia Sea, gaya ng iminungkahi ng isang propesor mula sa University of the Philippines.
Sinimulan kahapon ni Pangulong Duterte ang dalawang-araw niyang pagbisita sa Vietnam at tiyak nang bumubuo ng mahahalagang kasunduan ang kanyang delegasyon sa ngayon. Pagkatapos bumisita sa Vietnam, sinabi niyang itatakda rin niya ang pagtungo naman sa China, Japan, at Russia, mga pagbisitang tunay na magkakaroon ng mahahalagang impluwensiya sa polisiya ng Pilipinas. Sinabi ng Presidente kamakailan na na hangad niyang magkaroon ng independent foreign policy ang Pilipinas. Maaaring nasa isip niya ang tatlong makakapangyarihang bansang ito sa larangan ng pulitika at ekonomiya sa paniwalang makatutulong ito sa pagpapaunlad at sa seguridad ng ating bansa.
Pinahahalagahan natin ang makasaysayan nating ugnayan sa United States at sa mga kaalyado nito sa Kanlurang bahagi ng mundo, ang umuusbong nating relasyon sa mga hindi nito kasundo sa ideyolohiya na China at Russia, at ang matagal na nating pakikibahagi sa pandaigdigang komunidad ng United Nations. Ngunit nananatiling ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang sentro ng ating pakikipag-ugnayan sa natitirang dako ng mundo, kasama na ang Vietnam kung saan naroon at bumibisita ngayon si Pangulong Duterte.