SCIENCE CITY OF MUÑOZ, Nueva Ecija - Nahaharap sa kasong paglabag sa probisyon ng Comprehensive Dangerous Drugs Act ang anim na estudyante ng Central Luzon State University (CLSU) sa lungsod na ito makaraang masakote ng pinagsanib na operatiba ng Muñoz Police Station, Highway Patrol Group (HPG), Philippine Army at CLSU Security Force sa loob mismo ng campus nitong Lunes ng hapon.
Kinilala ni SPO3 Christopher Daquiz ang mga naaresto na sina Vladimir Capitulo y Dela Cruz, 22, ng Barangay Poblacion North; Gil Francis Alvendia y Corpuz, 21, ng Bgy. Gabaldon; Rodolfo Bryan Luciano y Pablo, 19, ng Bgy. Poblacion East; Dan Ceejay Alejandro y Manuel, 18; at dalawang lalaki na kapwa 16-anyos.
Dakong 12:30 ng tanghali nang salakayin ang campus at naaktuhan ang anim na sumisinghot ng marijuana.
Nasamsam mula sa mga estudyante ang tatlong marijuana roothches, walong rolling paper na nasa metal canister at ilang marijuana na nakabalot sa soft tissues. (Light A. Nolasco)