Matapos ang ilang araw na pagsubaybay sa mga bumalik mula sa Hajj pilgrimage sa Saudi Arabia, naharang din ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang 15 Indonesian at apat na Malaysian na nakaalis sa bansa matapos magpanggap na mga Pilipino.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, pito sa 15 Indonesian ay naharang sa NAIA Terminal 2 nitong Setyembre 22, habang pitong iba pa ang pinigil sa NAIA Terminal 1 nitong Setyembre 24.
Linggo rin nang dumating sa NAIA 2 ang apat na Malaysian at isang Indonesian.
Sinabi ni Morente na agad na ibinigay ang tatlong nakatatanda sa mga naharang na dayuhan sa National Bureau of Investigation (NBI) upang malaman kung sangkot ang mga ito sa passport scam.
Mula sa paliparan, dinala ang mga dayuhan sa Villamor Golf and Country Club upang isailalim sa interogasyon ng isang inter-agency task force, na binubuo ng mga kinatawan ng Departments of Foreign Affairs at Justice, BI, NBI, at mga kinatawan ng mga embahada ng Indonesia at Malaysia sa Pilipinas.
Kalaunan ay pinakawalan din ang mga dayuhan matapos na garantiyahan ng kani-kanilang embahada na aayusin ng mga ito ang agarang pagpapauwi sa kanila.
Iniutos naman ni Morente ang isang parallel investigation upang matukoy kung may kinalaman o sangkot ang mga tauhan ng BI sa pagbiyahe ng mga pilgrim gamit ang mga pekeng pasaporte noong Agosto.
Agosto 19 nang nabuking ng BI sa NAIA ang passport scam na kinasasangkutan umano ng mga dayuhang Hajj pilgrim, at naglunsad na ng imbestigasyon ang DoJ sa nabanggit na scam. (Mina Navarro)