MARAMI ang bumilib kay Sam Milby na tinanggap niya ang gay role sa The Third Party (Star Cinema, directed by Jason Paul Laxamana), na siyempre may karelasyong lalaki na sa istorya ay ipinalit niya sa kanyang girlfriend na si Angel Locsin.
Halos iisa ang tanong sa amin ng ilang katoto, paano raw napapayag si Sam na tanggapin ang papel? Hindi raw ba nagkaroon ng agam-agam ang aktor na baka mabuhay na naman ang isyu sa kanya noon na napagbintangang bading?
Susme, ilang taon na ba ‘yun at napatunayan namang hindi totoo. Kaya nga siguro tinanggap ni Sam ang role dahil confident siya sa sarili na hindi siya gay, same with Zanjoe Marudo na gaganap namang ‘boylet’ ng una.
Kung ang namayapang si Mang Dolphy nga, maraming beses gumanap na bading sa pelikula, hindi naman bading.
Heto nga at join na rin si John Lloyd Cruz bilang transgender sa Ang Babaeng Humayo at nagdamit-babae pa.
Naniniwala kami na ang mga actor na walang itinatago sa katawan ay willing gumanap bilang gay.
Tiyak na sobrang aliw panoorin ang Third Party dahil akalain mo, si Angel Locsin pa ang ipinagpalit ni Sam kay Zanjoe?
Tiyak na maganda ang talakayan sa presscon ng pelikula ngayong gabi sa maraming interesting questions na ibabato kina Angel, Zanjoe at Sam.
Pero alam mo, Bossing DMB, mukhang may kaibigan itong si Direk Jason Paul na pinagkunan niya ng kuwento ng Third Party. Sabi kasi ng mga nakakakilala sa kanya, may katotohanan ang mga ginagawa niyang pelikula.
Ang awkward ng eksenang ipinapakilala ni Sam si Zanjoe sa ex-girlfriend na si Angel na “my boyfriend”. Parang nabingi o pinagsakluban ng langit at lupa ang dalaga sa narinig, ha-ha-ha.
Humirit pa si Angel ng, ‘So you’re the boyfriend...’ na sinagot naman ng nag-aalangang si Zanjoe ng, ‘You’re the ex?’
‘Kaloka ‘tong pelikulang ito, riot ito malamang.
Positive ang mga komentong nabasa namin sa thread ng inilabas na trailer sa website ng Star Cinema at marami ang humuhula na another blockbuster na naman ito kapag ipinalabas. (REGGEE BONOAN)