Dalawampung bala ng .45 caliber pistol at .9mm ang tumama sa katawan ng isang bagitong pulis na pinagbabaril ng apat na suspek na sakay sa dalawang motorsiklo sa Muntinlupa City, nitong Lunes ng gabi.
Dead on the spot si PO1 Richard Mendoza, nasa hustong gulang, ng Tesuan, Barangay Poblacion, Muntinlupa, at nakatalaga sa Southern Police District (SPD). Sinasabing nasa drug watchlist ng pulisya si Mendoza, at AWOL (absent without official leave) din umano.
Inaalam ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek, na agad tumakas.
Sa inisyal na ulat na natanggap ni Muntinlupa City Police chief, Senior Supt. Nicolas Salvador, pasado 7:00 ng gabi nang nangyari ang insidente sa Tesuan Luma sa Bgy. Poblacion.
Nakatayo lang ang pulis sa lugar nang biglang nirapido ng mga suspek. (Bella Gamotea)