Mapapalaban ang Pinoy fighter sa pagdayo ng Japanese rival para sa “Knockout” Double OPBF Championship sa Setyembre 30 sa Strike Gymnasium sa Bacoor City, Cavite.
Sasabak sina WBC Asian Boxing Council Silver flyweight champion Masazumi Furukawa, Toshiko Era, Shin Ishikawa at Sawa Iwai sa torneo na inaasahang magbibigay ng malaking hamon sa Pinoy.
Nasa pangangasiwa ng Team United Boxing Stable ni Japanese promoter Ryuta Kota ng United International ang apat na fighter, habang si Warren Elliot ang matchmaker.
Masusubok ang 40-anyos na si Furukawa (8-7-2) kontyra sa 22-anyos na si Jeven “Mutya” Villacite ng Butuan City para sa 8-round bout sa 115 lbs. division. Galing sa impresibong knockout win si Furukawa kontra dating Luzproba champion Geboi Mansalayao nitong Hunyo 10 sa Mandaluyong City.
Nagwagi rin siya sa isang Pinoy na si Benjie Bartolome via TKO noong Pebrero 20 sa Taguig City.
Mapapalaban naman si Shin Ishikawa kay Alejandro Anas ng La Trinidad, Benguet sa 8-round ng 160 lbs. division.
Masusubok naman si Sawa kay Juan “The Punisher” Purisima ng General Santos City sa 6-rounder ng 115 lbs. at lalaban si Junior flyweight Toshiko Era ng Osaka kay Aron Lozano ng Laguna sa four rounder.
Ang boxing card ay nasa pangangasiwa ng MP Highland at United International Promotions kung saan co-promoter si Brico Santig ng MP International Promotions, Rene Pacquiao at Ace Mendoza ng MP Manila Boxing Gym.