Ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) En Banc ang apela ng technology provider na Smartmatic na humihingi ng P20 milyon refund para sa kontrata nila noong 2013 elections.
Ayon kay Comelec Commissioner Rowena Guanzon, ang nasabing halaga ay penalty na ibinawas sa Smartmatic mula sa kanilang amounts receivable o halaga na dapat matanggap noong 2013.
Ipinaliwanag ni Guanzon na matagal nang natapos ang libro ng Comelec para sa naging gastusin noong 2013 at hindi na maaaring payagan ang anumang refund. Sakaling inaprubahan nila ito ay tiyak na papatawan sila ng disallowance ng Commission on Audit at aatasan rin ang Smartmatic na ibalik ang bayad.
Sa liham ng Smartmatic na may petsang Agosto 26, 2016, hinihiling ng kumpanya ang mahigit P19 milyon refund para sa ginawang software enhancement. (Mary Ann Santiago)