Hinarass ng Chinese Coast Guard ang mga mangingisdang Pinoy sa Panatag (Scarborough) Shoal malapit sa baybayin ng Zambales, sinabi kahapon ng National Security Council-Task Force West Philippine Sea.
Ito ay sa kabila ng mga panawagan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte sa China na payagang makapangisda ang mga Pilipino sa lugar, na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Binanggit ang ulat mula sa Philippine Coast Guard (PCG), sinabi ng NSC na ang nangyari ang huling pananakot ng mga Chinese sa mga mangingisdang Pinoy nitong unang bahagi ng buwan.
Tatlong barko ng China Coast Guard at dalawang bangkang pangisda ng mga Pinoy ang namataan sa lugar noong Setyembre 6, inulat ng PCG.
“The Chinese Coast Guard vessel moved to the location of a Filipino banca. Upon reaching the Filipino banca, a Chinese Coast Guard personnel onboard a rubber boat ordered the Filipino banca to leave the area,” sabi ng PCG.
Makikitang nakikipagtalo ang mga Pinoy sa Chinese Coast Guard na payagan silang mangisda sa lugar, dagdag sa ulat.
Magdamag na nanatili ang tatlong bangkang Pinoy sa Bajo de Masinloc ngunit umalis din kinaumagahan sa takot sa panggugulo ng mga barko ng Chinese Coast Guard. (Elena L. Aben)