NAGPAPATULOY ang paghahanap ng solusyon sa problema ng Metro Manila sa matinding pagsisikip ng trapiko, at sa huling panukala ni Sen. Grace Poe, chairperson ng Senate Committee on Public Services, ay iminungkahi niyang simulan ng mga eskuwelahan ang kanilang taunang Christmas break dalawang linggo kaysa karaniwan.
Ang Christmas break ngayong taon ay nakatakdang simulan sa Disyembre 22, alinsunod sa Department Order 23 of 2016 ng Department of Education (DepEd) at Republic Act 7797, na nagtakda sa bilang ng mga araw ng pasok sa 220 mula sa dating 200. Iminungkahi ng komite ni Poe na simulan na sa Disyembre 8 ang bakasyon sa eskuwela.
Ano ang kapakinabangan nito? Makatutulong itong maibsan ang trapiko na karaniwan nang lumulubha pa pagsapit ng Disyembre 16, ang simula ng Simbang Gabi. Bandang kalagitnaan din ng Disyembre inilulunsad ng mga shopping mall ang kani-kanilang Christmas sales kasunod ng pamumudmod ng mga kumpanya ng Christmas at iba pang year-end bonus para sa mga empleyado. Nagliliwanag ang mga kalsada sa mga bayan at siyudad para sa iba’t ibang kasiyahan para sa Pasko sa mga panahong ito. Dahil dito, sumasahol pa ang pagsisikip ng trapiko.
Napaulat na seryosong pinag-aaralan ng DepEd ang nasabing mungkahi ng Senado, at tinatalakay na nina Secretary Leonor Briones at Assistant Secretary Tonecito Umali ang usapin sa Executive Committee ng kagawaran. Kailangan na lamang tukuyin kung paano mababawi ang dalawang linggong mawawala sa panahon ng pagkaklase—posibleng gawin tuwing Sabado, bukod pa sa karagdagang mga oras ng klase sa susunod na dalawang buwan, o sa atrasadong pagtatapos ng school year.
Habang ikinokonsidera ang panukalang ito para sa mas maagang Christmas break, matutukoy din ng DepEd kung paano ito maiaangkop sa iba pang mga pagbabago sa kalendaryo na una nang ipinatupad ng ilang paaralan. Iniurong na ng University of the Philippines at Ateneo de Manila University ang panahon ng pagbubukas nila ng klase, na Agosto na ngayon mula sa dating Hunyo, at marahil hanggang Setyembre, gaya ng pagsisimula ng school year sa United States at sa malaking bahagi ng Europe. Mayroon nang trimestral system ang De La Salle University kaya sadyang iba ang bukasan ng klase at tapusan ng school year sa trimesters nito.
Gayunman, mahalagang hindi natin malimutan na ang panukala para sa mas maagang Christmas break ay bunsod ng problema sa trapiko na matagal nang nagpapasakit sa ulo ng mga taga-Metro Manila. Inasahang makagagawa ng paraan sa usapin ang mga opisyal ng bagong administrasyon matapos na mabigo ang mga nakalipas na pamahalaan. Nagsumite na ang Department of Transportation (DoTr) ng ilang proyekto, kasama na ang mga suhestiyon para sa special emergency powers na kinakailangan upang maipatupad ang mga ito, ngunit maraming mambabatas ang nagpahayag ng pagdadalawang-isip sa pagkakaloob ng kapangyarihan, bukod pa sa kakailanganing pondo.
Sinimulan na ng Committee on Metro Manila Development ng Kamara de Representantes, sa pamumuno ni Quezon City Rep. Winston Castelo, ang sarili nitong mga pagdinig tungkol sa problema sa trapiko. Noong nakaraang linggo, pinagtuunan ng mga kongresista ang isa pang ahensiya ng gobyerno, ang Department of Public Works and Highways (DPWH), upang usisain kung ano ang magagawa nitong mga solusyon na “better and more revolutionary” para tuluyan nang maresolba ang problema.
Habang wala pang desisyon ang mga panukalang ito, inihayag ng DoTr na sisikapin nitong gawin ang lahat ng makakaya sa mga paraang posible sa ngayon. Makatutulong ang nabanggit na mungkahi ng komite ni Poe. Tiyak na may iba pang mga paraan na magagawa ang DoTr at ang iba pang mga ahensiya ng gobyerno habang hindi pa napagtitibay ang isang komprehesibong plano upang tuluyan nang matuldukan ang matinding problema sa trapiko sa Metro Manila.