HANOI – Makikipagkumustahan muna si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga Pilipino sa Hanoi sa pagdating niya ngayong gabi para sa dalawang araw na pagbisita sa Vietnam bago sumabak sa mga opisyal na pagpupulong.

Batay sa kanyang schedule, ang unang aktibidad ng Pangulo ngayong Miyerkules ay ang pakikipagpulong sa Filipino community sa InterContinental Hotel dito.

Inaasahang tatalakayin ni Duterte ang kampanya ng kanyang pamahalaan laban sa illegal drugs, krimen at katiwalian sa pagtalumpati niya sa harap ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa katabing bansa sa Asia sa unang pagkakataon.

Sa Huwebes, siksik ang schedule ng Pangulo na kinabibilangan ng mga pakikipagpulong sa gobyerno at sa mga komunistang lider sa Vietnam.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Magsisimula ang kanyang araw sa pag-aalay ng mga bulaklak sa Monument of Heroes and Martyrs at sa Ho Chi Minh Mausoleum sa umaga.

Kasunod nito ay tutungo si Duterte sa State Palace para makipagpulong kay Vietnam President Tran Dai Quang upang talakayin ang iba’t ibang bilateral exchanges kabilang na ang maritime cooperation, enhancement of law enforcement at defense cooperation.

Magiging pagkakataon din ito para palakasin pa ng Pangulo ang pagtutulungan ng dalawang bansa, ayon kay Department of Foreign Affairs spokesman Charles Jose.

Bibisita rin ang Pangulo kay Vietnam Prime Minister Nguyen Xuan Phuc sa Prime Minister’s office at makikipagpulong kay Nguyen Phu Trong, general secretary ng Central Committee ng Communist Party of Vietnam.

Dadalo rin si Duterte sa state banquet na ihahanda ng pamahalaan ng Vietnam bago umalis pabalik ng Davao sa Biyernes ng umaga. (Genalyn D. Kabiling)