DINALAW at ininterbyu namin si Batangas/Lipa City Rep. Vilma Santos sa opisina niya sa North Wing sa Congress last Monday. Agad nakarating sa kanya ang pagkakahuli sa dating sexy star na si Sabrina M sa isang buy-bust operation.
Lalong lumalakas ang panawagan ng marami ngayon na ilabas na ang listahan ng mga personalidad sa showbiz na nasa listahan ng drug pushers at users. Bagamat pabor si Ate Vi na pangalanan ang mga kasamahan sa showbiz na nasa listahan diumano ni Pres. Rodrigo Duterte, nakikiusap siya na sana ay pag-aralan muna nang husto at dapat ay may mga ebidensiya na laban sa mga ito.
Balitang mahigit sa 50 showbiz personalities ang nasa drug list na maaaring pangalanan anytime.
“Okey lang naman ako d’yan. Pero sana naman, eh, dumaan sa tamang proseso ang lahat. Kumbaga, naipa-drug test na muna at nakahanda na rin silang tumulong sa anumang paraan para sa kampanya ng gobyerno laban sa droga,” sey ng Star for All Seasons.
Habang kausap namin si Ate Vi ay wala pa raw siyang alam kung sinu-sino ang nasa listahan ng mga taga-showbiz na involved sa illegal drugs. May mga nagbanggit daw sa kanya ng mga pangalan ng nagsusuplay diumano ng ipinagbabawal na gamot pero wala naman siya sa posisyon para magbanggit ng pangalan ninuman.
Usap-usapan sa showbiz circle na ang magdamagang shooting o taping ang kadalasang nagiging dahilan ng paggamit ng bawal na gamot ng mga taga-showbiz.
Binanggit ni Cong. Vi na hindi naman daw nagpapabaya ang mga namumuno ng KAPPT sa pangunguna ng pangulong si Rez Cortez. Nilapitan na raw ng mga ito ang DOLE at inireklamo ang mahabang oras ng taping o shooting.
Aware ang Star for All Seasons na may isang network nang nagpapatupad ng bagong regulasyon ng DOLE sa taping o shooting.
Samantala, sa pagkakahuli kay Sabrina M na may surveillance video na ipinakita bilang karagdagang ebidensiya, inaasahang may mga magboluntaryong susuko at hindi na raw hihintayin pang mapasama sa “Operation Tukhang”.
May nakausap din kami sa Kongreso tungkol sa 50 celebrities na daw na iilan ang sikat o nasa limelight pa hanggang ngayon dahil karamihan ay mga “has been” na. (JIMI ESCALA)