ZAMBOANGA CITY – Dalawang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang napatay sa raid na ikinasa ng mga sundalong miyembro ng Joint Task Force (JTF) Sulu kahapon ng umaga sa bayan ng Pata sa Sulu, habang isa pang bandido na nahaharap sa pitong bilang ng kidnapping ang nadakip sa siyudad na ito.
Kinilala ni Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (WestMinCom) Spokesman Major Filemon Tan, Jr., ang mga napatay na bandido na sina Nixon Muktadil at Brown Muktadil, na mas kilala bilang ang Muktadil Brothers.
Sinabi ni Tan na nauwi sa sagupaan ang pagresponde ng JTF-Sulu sa Tambulian Island sa Barangay Daungdung sa Pata dakong 5:00 ng umaga kahapon, na nagresulta sa pagkakapaslang sa magkapatid.
Ayon kay Tan, sangkot ang magkapatid sa pagdukot sa 26 na Indonesian at Malaysian sa karagatang hangganan ng Malaysia, Indonesia at Pilipinas.
Nitong Lunes, inaresto naman ng Zamboanga City Police ang isa pang miyembro ng Abu Sayyaf, si Abdul Baliyung, alyas Majula Gani, 34, ng Bgy. Sangali, Zamboanga City, na nahaharap sa pitong bilang ng kidnapping at mga kaso ng serious illegal detention sa regional trial court sa Isabela City, Basilan.
Sinabi ni Chief Insp. Elmer Solon na naaresto si Baliyung ng mga operatiba ng Culianan Police dakong 2:22 ng hapon nitong Lunes, sa loob ng Zamboanga City Port. (Nonoy E. Lacson)