NANG mapanood ko sa social media ang video ng tangkang panggagantso sa dalawang overseas Filipino worker (OFW) ng isang taxi driver at kasama nitong caller na nagsakay sa kanila sa may Ninoy Aquino International Airport (NAIA), kumulo ang dugo ko sa galit ngunit lalo itong sumubo sa nakita kong pagtugon ng dalawang pulis patola, este pulis patrol pala, na kanilang hiningian ng tulong.

Sino ba naman ang matutuwa sa inasal ng dalawang tinamaan ng magaling na mga pulis patrol na ito, na mga miyembro pa naman ng hinahangaan kong Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) na kaya inilagay sa EDSA ay inaasahang sila ang magpapatino sa mga abusadong driver na bumibiyahe rito, at para na rin mabawasan ang mga mandarambong sa kalsada?

Sa halip na habulin ang taxi ay pa-dedma lamang daw ang naging reaksiyon ng dalawang pulis ng HPG na sakay sa patrol car na nakaparada hindi kalayuan sa terminal ng bus sa may EDSA, Cubao. Patakbo itong nilapitan ng magkasamang OFW upang magsumbong at humingi ng tulong.

Simbilis ng kidlat kasi na umarangkada ang taxi—kahit na nakabukas pa ang dalawang pintuan nito—nang makita ng driver at kasamang caller na ang pasaherong dinudugasan nila ng P3,600 na pasahe mula sa NAIA Terminal 3 hanggang sa terminal ng bus sa Cubao, ay patakbong lumapit sa mga pulis para magsumbong.

Ang mga bagahe ng OFW ay ‘di naman tinangay ng taxi drayber at kasama nito, ngunit ipinaghahagis ang mga ito sa kalsada bago tuluyang humagibis palayo ang taxi. Ang lahat ng ito ay nasaksihan naman daw ng dalawang HPG pero tumunganga lang at, sa halip na humabol sa papalayong sasakyan ay nakatawa pa raw na nagsabing: “Wala naman palang nakuha sa inyo, pabayaan na lang ninyo. Sila pa nga ang nawalan dahil hindi ninyo nabayaran.”

Galit si Chief PNP Ronald “Bato” Dela Rosa nang mapanood ang video na nag-viral agad sa social media, lalo dahil nakita niya ang maling asal ng dalawang pulis sa reklamong inilapit sa kanila ng dalawang OFW.

Agad niyang ipinatawag ang dalawang tauhan para pagpaliwanagin sa kanilang kapalpakan—ang pagbalewala sa sumbong ng magkasamang OFW na wala man lang ginawa kahit konting imbestigasyon bago magpasyang pabayaan na lang ang mga inirereklamong taxi driver at caller.

Patuloy na pinagpipiyestahan ng mga netizen sa social media ang pangyayari, at umaani ng negatibong komento laban sa PNP.

(Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]) (Dave M. Veridiano, E.E.)