NAGULANTANG ang sambayanan nang madiskubre ng ating anti-drug officials kamakailan ang sinasabing pinakamalaking shabu factory sa Pilipinas na matatagpuan sa isang barangay sa Arayat, Pampanga.

Kasabay nito, lalong nagulantang ang mamamayan, lalo na ang mga naninirahan sa naturang bayan sa paanan ng Mt. Arayat, ng sunud-sunod na katanungan: Paanong naitayo sa naturang lugar ang dambuhalang pabrika ng shabu? Kapani-paniwala ba na ang nasabing gusali ay ginagamit lamang bilang babuyan? Sinu-sino ang nagbigay ng pahintulot sa konstruksiyon ng naturang mega shabu lab at piggery? Sa lahat ng tanong na ito, at marami pang iba, iisa lamang ang tugon: Siguradong may protektor.

Lumilitaw na matagal nang naitayo ang nabanggit na pabrika at babuyan. Subalit mahirap paniwalaan na hindi ito napapansin ng mismong naninirahan sa barangay. At lalong mahirap tanggapin na ang konstruksiyon ng mga ito ay walang pahintulot ng mga barangay official at ng mga pinuno ng pamahalaan ng Arayat.

Hindi kaya ito nakarating sa kaalaman ng mga opisyal ng Pampanga at ng mismong liderato ng Police Regional Office 3 ng Philippine National Police (PNP)? Ang ganitong mga haka-haka ay marapat na magkaroon ng paglilinaw upang mapawi ang mga pinangangambahang pagsabotahe sa pakikidigma sa ipinagbabawal na droga.

Naniniwala ako sa tindi ng intelligence network ng PNP, ng militar at ng iba pang security agency ng pamahalaan.

Napatunayan ito, halimbawa, nang masabat ng anti-drug team ang isang barko sa karagatan ng Subic kamakailan; natuklasan na ito ay ginagamit na shabu laboratory na pinamamahalaan ng ilang Chinese na ngayon ay nahaharap sa iba’t ibang asunto.

Hindi lamang mga shabu lab ang nadidiskubre ng ating mga anti-drug team. Pati ang mga droga na nakabaon sa lupa ay natutuklasan nila sa pamamagitan, siyempre ng maingat na paniniktik. Sa isang bayan sa Cagayan, nakahukay sila ng bilyong pisong halaga ng shabu na maliwanag na ipinabaon ng mga drug lord. Marami pang ganitong pangyayari ang tinututulan ng pulis at militar, lalo na sa mga bayang karugtong ng baybay-dagat. Ang mga lugar na ito ang sinasabing distribution center ng mga shabu.

Kasabay ng walang patumanggang paglipol sa mga pusher at user ng shabu, paigtingin na rin ang pagpuksa sa mga protektor ng bawal na droga. (Celo Lagmay)