MAY naniniwalang ang sagutan-labanan-siraan nina President Rodrigo Roa Duterte at Sen. Leila de Lima ay maituturing sa kasabihan na, nakasalin sa English, “The Pot calling the Kettle black” o sa wika ni Balagtas ay binibira ng palayok ang kawali gayong sila naman ay parehong maitim.

Sabi nga ng kaibigan kong relihiyoso, para raw babala sa Bibliya na bago mamintas ang isang tao sa kapwa, suriin muna ang kanyang mga mata baka ito ay may muta o bagay na nakaharang (speck) dahil siya mismo ay may kapintasan din. O kaya ay ang pahayag ni Kristo sa mga tao na kumukondena sa babaeng makasalanan na unang pumukol o maghagis ng bato ang walang bahid ng kasalanan.

Ganito rin marahil, humigit-kumulang, ang sitwasyon nina Mano Digong at Sen. De Lima na nagpapatutsadahan, naghahagis ng putik at intriga bunsod ng isyu sa Davao Death Squad (DDS) at ng umano’y EJK (extrajudicial killings) kaugnay ng police operations laban sa mga drug pusher, user at protektor na ngayon ay mahigit na sa 3,000 katao ang napapatay.

Teka muna, meron na bang drug lords na naitutumba si Gen. Bato? Naririyan pa yata sina Albuera Mayor Rolando Espinosa, anak na si Kerwin Espinosa at si Peter Lim na binantaan noon ni RRD na tiyak na mamamatay paglabas sa eroplano.

Sa tindi ng galit ni President Rody kay Delilah, este Sen. Leila de Lima, tinawag niya ang senadora bilang isang “immoral woman” na umano’y protektor ng drug lords sa New Bilibid Prison. Karelasyon daw niya ang driver na si Ronnie Palisoc Dayan na taga-kubra ng drug money mula sa NBP. Itinanggi ito ng may “yagbols” na mambabatas.

Samantala, si Duterte na nag-aakusa ng imoralidad kay Sen. Leila ay lantaran namang may kinakasama (partner o common-law wife) na hanggang ngayon ay hindi pinakakasalan. Hiwalay si RRD sa unang asawa, aminadong babaero pero hindi raw katulad ni De Lima na hiwalay nga pero ang karelasyong si Dayan ay may ginang pa. Hindi ba ito ay maliwanag na “The Pot calling the Kettle black”?

Hindi natuloy ang pagpapalibing sa diktador na si Marcos noong Setyembre 11 (kapanganakan niya) o Setyembre 18 tulad ng plano ng pamilya niya. May pahintulot si Pres. Duterte na ilibing ito sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) sapagkat si FM daw ay dating sundalo at presidente. Para sa machong pangulo, si Manong Ferdie ang “the most brilliant president” sa bansa.

Ginunita ng bansa ang ika-44 na anibersaryo ng deklarasyon ng martial law noong Setyembre 21, 1972. Walang pagdiriwang sa araw na iyon kundi mga paggunita sa mapapait na karanasan ng sambayanang Pilipino sa rehimeng Marcos, na nagpasara sa Kongreso, nagkandado sa mga tanggapan ng pahayagan, radyo at TV, ginawang tuta ang Korte Suprema, dinambong ang salapi ng bayan, sinupil ang kalayaan, freedom of speech, kinitil and demokrasya at pinatay ang maraming tao, kabilang ang kabataan. Sabi ni RRD, hindi niya kailangan ang martial law sa paglaban sa ilegal na droga.

Sikat ang salitang FOREVER. Subalit sa larangan ng showbiz, talaga yatang walang Forever. Pinatunayan ito ng paghihiwalay ng Hollywood celebrities na sina Brad Pitt at Angelina Jolie. Sa mata ng mundo, lalo na ng mga tagahanga, sila ang isa sa “the most glamorous and powerful couples” sa Hollywood. Sa mata ng publiko, sila ay ideal o huwarang mag-asawa. Gayunman, sa divorce petition ni Jolie, binanggit niya sa Los Angeles Superior Court ang kanilang “irreconcilable differences”. (Bert de Guzman)