SA liturgical calendar ng Simbahan, ang ika-29 ng Setyembre ay paggunita at pagdiriwang sa kapistahan ni San Miguel Arkanghel at ng dalawa pang arkanghel na sina San Gabriel at San Rafael. Bahagi ng pagdiriwang ang misa sa umaga at hapon na sinusundan ng prusisyon. Sa Rizal, ipinagdiriwang din kasabay ng kapistahan ni San Miguel ang kapistahan ng bayan ng Jalajala tuwing ika-29 ng Setyembre.
Ayon kay Jalajala Mayor Ely Pillas, ang kapistahan ay bahagi ng pasasalamat sa Poong Maykapal at pagpapahalaga sa tradisyon at kultura ng bayan sa patnubay ng kanilang patron na si San Miguel Arkanghel. Ang tema ng pagdiriwang ngayong 2016: “Si San Miguel Arkanghel, Sugo ng Awa”.
Nasa ika-234 na taon na ang magkasabay na kapistahan ng Jalajala at ni San Miguel Arkanghel. Ang pagdiriwang ay ginawa nitong Setyembre 24-25 at inihudyat ng dalawang fun run na pinamahalaan ng DepEd family at ng Saint Michael Parish School Alumni Association. Sinundan ito ng Diyosa ng Paraiso (beauty contest) nitong gabi ng Setyembre 25 sa covered court ng Bgy. 1st District, at kahapon naman ang One Day Volleyball League.
Ngayong Setyembre 27, tampok naman ang dog show/parade sa Pantalan covered court ng Bgy. 2nd District, drum and lyre competition sa Jalajala Elementary School, at Zumba Night competition sa covered court ng Bgy. 1st District.
Bukas, Setyembre 28, bisperas ng sabay na kapistahan, ay tampok naman ang marathon sa umaga. Magsisimula ito sa Bgy. Pagkalinawan hanggang sa municipal compound, at sa gabi ay may amateur singing contest.
Sa umaga ng kapistahan, Setyembre 29, ay ang concelebrated mass na pangungunahan ng bagong obispo ng Diocese ng Antipolo na si Bishop Francisco de Leon. Alay ang misa kay San Miguel Arkanghel, ang prinsipe at puno ng mabubuting anghel at kinikilalang tagapagtanggol sa kasamaan at silo ng demonyo.
Kasunod ng concelebrated mass ang fluvial procession o pagoda sa Laguna de Bay, sa bahaging sakop ng Jalajala. Kasama sa fluvial procession ang mga mangingisda, magsasaka, mga miyembro ng Sangguniang Bayan, kabataan at iba pang deboto ni San Miguel Arkanghel.
Matapos ang fluvial procession, kasunod na ang street dancing ng kabataang babae at lalaki, drum and lyre regatta at parada ng mga sumama sa fluvial procession pabalik sa simbahan ni San Miguel Arkanghel. Tampok din ang boxing sa hapon ng kapistahan sa covered court ng Bgy. 2nd District at sa gabi ay ang variety show.
Sa magkasabay na pagdiriwang, tumitibay ang buklod ng pagkakaisa ng mamamayan, ang pagpapahalaga sa tradisyon at kultura at ang pananalig sa Dakilang Maykapal.
Ang Jalajala, ayon sa kasaysayan, ay kilala sa tawag na ‘La Villa de Pila’ na nasa pamamahala ng mga paring Franciscano. Ang unang simbahang kawayan ay itinayo noong 1678 ni Padre Lucas Saro, pinakasentro ang Bgy. Punta. Nang sumapit ang 1823, ang Jalajala ay naging isang bayan matapos ihiwalay sa Pililla. Ang pangalang Jalajala ay hango sa salitang “halaan” isang uri ng lamang dagat na nakukuha noon sa Laguna de Bay. (Clemen Bautista)