CEBU CITY – Nadomina nina veteran runner Rafael Pescos at Ruffa Sorongon ang 21K event ng Cebu qualifying leg ng MILO Marathon nitong Linggo.
Umabot sa 17,000 marathoners ang dumagsa sa Queen City of the South at pinangunahan ni reigning National MILO Marathon Queen at Rio Olympic veteran Mary Joy Tabal ang starting gun para sa 3K event.
Naisubi nina Pescos at Sorongon ang premyong P10,000 at tropeo, gayundin ang libreng tiket para sa National Finals na gaganapin sa Iloilo City sa Disyembre 4.
Naisumite ni Pescos ang tyempong 01:14:00 para manguna sa men’s division kontra kina Michael Largo (01:17:01) at Noel Tillor (01:17:20), habang natawid ni Sorongon ang finish line sa distaff side sa tyempong 01:26:24, laban kina Cresabel Cadion (01:32:10) at Sandra Soliano (01:46:26).
Dehado si Pescos sa pagsisimula ng karera, ngunit ang pagwawagi niya laban sa mas beteranong mga karibal at hindi lamang nagbigay ng kauna-unahang titulo kundi makalapit sa pangarap na tanghaling MILO King.
“Every day I take the long runs in the morning and in the afternoon to prepare. I am very happy with the outcome of the race because all my hard work paid off,” pahayag ng 22-anyos mula sa Negros Occidental.
“I’ve always dreamed of joining the roster of top runners in the National Finals. I will surely do my best in turning this into reality,” aniya.
Nakamit naman ni Sorongon ang ikaapat na panalo sa qualifying leg, ngunit iginiit niyang kailangan pa ang mas puspusang pagsasanay.
“I kept a motivated spirit to help me complete this race with success,” aniya.
Gaganapin ang susunod na qualifying leg sa Dumaguete City sa Oktubre 2, kasunod ang Davao (Oktubre 9), General Santos (Oktubre 16), Cagayan De Oro (Oktubre 23), at Butuan (Oktubre 30). Nakatakda ang National Finals sa Disyembre 4 sa Iloilo City.
Kaagapay sa MILO Marathon ang Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Department of Education, Philippine Athletics Track and Field Association, Asics, Salonpas, TIMEX, 2XU, Endurance, Hisense, Maynilad, at PhilamLife.