MELACCA, Malaysia – Hindi lamang makinang na Perlas ang Pinay cagers. Tawagin din silang ‘Reyna’ sa hardcourt ng rehiyon.

Kinumpleto ng Perlas Pilipinas ang dominanteng kampanya sa impresibong 72-52 panalo kontra perennial rival Thailand para makopo ang 2016 SEABA (Southeast Asian Basketball) Championship for Women nitong Linggo sa Melacca Stadium.

Hataw si Allana Lim sa naiskor na 15 puntos, habang kumana si Afril Bernardino ng 14 puntos para sandigan ang Perlas Pilipinas sa kahanga-hangang ‘sweep’ sa prestihiyosong torneo.

Naghabol nang bahagya ang Perlas sa unang period bago nagpakawala ng 19-9 run para maitarak ang double digit na bentahe sa halftime.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Mula rito, hindi na nakaramdam ng pakikibaka mula sa Thai ang Perlas para makumpleto ang six-game sweep sa single-round tournament.

Nitong Sabado, nasigurado ng Perlas ang kampeonato – kauna-unahan ng bansa mula nang gabayan ni coach Heidi Ong ang koponan noong 2010 -- nang pabagsakin ang Malaysia, 77-73.

“This is a defining moment for Philippine women’s basketball. I’m happy for the girls. I’m happy for our supporter, Blackwater and I’m happy for the country. We did it,” sambit ni Perlas Pilipinas coach Patrick Aquino.