Hiniling ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang suporta ng Civil Service Commission (CSC) na magsagawa ng civil service paper at pencil examination para sa overseas Filipino workers (OFWs) sa Hong Kong, kasunod ng sign-up campaign na pinasimulan ng Philippine Overseas Labor Office (POLO).
“As part of the Department’s reintegration campaign to encourage OFWs to return to the country for good, we are working with the Civil Service Commission, through Chairperson Alicia Dela Rosa-Bala, to conduct the civil service professional and sub-professional examination among the OFWs, initially in Hong Kong, since thousands of them are now interested to work in the government under the Duterte administration,” pahayag ni Bello.
Sa isang memorandum, ipinaalam ni POLO Hong Kong Labor Attaché Jalilo Dela Torre kay Bello, na nagsasagawa sila ng sign-up campaign upang magkatotoo ang inaasam ng maraming OFWs na makauwi ng Pilipinas at magtrabaho sa kanilang rehiyon, kasama ang kanilang mga pamilya.
Si Dela Torre ang nagsisilbing kinatawan sa mga opisyal ng CSC upang maisakatuparan ang aniya’y mungkahi ng CSC para sa papel at lapis sa pagsusulit sa Hong Kong na gaganapin ngayong Setyembre.
Gayunman, hihilingin niya na ilipat sa Nobyembre ang pagsusulit dahil pangangasiwaan ng mga guro ang licensure examination ng Professional Regulations Commission (PRC) na gagawin din ngayong buwan. (Mina Navarro)