Pormal nang inangkin ng defending champion National University at University of the Philippines ang unang dalawang Final Four slots matapos magsipagwagi sa kanilang mga katunggali sa men’s division ng UAAP badminton tournament nitong linggo sa Rizal Memorial Badminton Hall.
Winalis ng Bulldogs ang University of the East, 5-0, habang tinalo ng Fighting Maroons ang Far Eastern University, 4-1, para sa kanilang ikalimang sunod na panalo.
Nakatakdang pag-agawan ng NU at UP na nagkataong ginagabayan ng magkapatid na Jaime at Melvin Llanes, ang solong liderato bukas- Miyerkules kung saan ang mananalo ay awtomatikong makauusad sa best-of-three championship series.
Sa ibang laro, tinalo ng Ateneo ang De La Salle, 3-2, na nag- angat sa kanila sa 3-2 karta at okupahan ang ikatlong puwesto habang nabokya ng University of Santo Tomas ang Adamson University, 5-0.
Bunsod ng panalo, umangat ang Growling Tigers kasalo ang Tamaraws at Green Archers sa ikaapat na puwesto hawak ang barahang 2-3, habang nalaglag ang Red Warriors at Falcons sa 1-4 at 0-5, ayon sa pagkakasunod.
Sa women’s division, tinalo ng reigning titlist UP ang Adamson University, 5-0, upang manatiling nangingibabaw hawak ang barahang 4-0.
Nanatili naman sa ikalawang puwesto taglay ang markang 3-1 ang Ateneo matapos gapiin ang NU, 4-1, gayundin ang De La Salle na namayani laban sa season host UST, 3-2.
Nagwagi rin ang FEU kontra UE, 5-0 upang pantayan ang Lady Bulldogs sa patas na markang 2-2,habang bumagsak ang Tigresses at Lady Falcons sa 1-3, at nanatiling winless ang Lady Warriors matapos ang apat na laro. (Marivic Awitan)