Naaresto sa follow-up operation ang isang magnanakaw matapos niyang holdapin ang isang babae na lakas-loob siyang kinumpronta nang maaktuhan siya nito sa pagtatangkang looban ang isang kapitbahay sa Taguig City, kahapon ng umaga.

Nakakulong ngayon sa himpilan ng Taguig City Police si Rino Mondejar y Unayan, alyas “Buang”, 20, ng Purok 7, Barangay Tanyag, ng nasabing lungsod.

Pormal na naghain ng reklamo laban sa suspek si Nisey Cabuz, 29, dalaga, nangungupahan sa Maras Compound sa Purok 7, Bgy. Tanyag.

Sa ulat ng pulisya, dakong 9:30 ng umaga, kadarating lang ni Cabuz at binubuksan ang kandado ng bahay nang mapansin niya si Mondejar habang sinisira ang bintana ng kalapit niyang paupahan kaya kinumpronta niya ang suspek.

Probinsya

Coast Guard working dog, sinaluduhan sa paghanap sa isa sa mga katawan sa Binaliw landslide

Sa halip na tumakbo ang armadong suspek matapos mabisto, pinagbalingan nitong holdapin ang dalaga at sapilitang tinangay ang dala nitong sling bag na naglalaman ng LG cell phone, wallet na may P5,000 cash, Samsung J2 phone, ID, susi at make-up kit.

Agad humingi ng tulong si Cabuz sa mga tanod na sina Joel Dismaya at Avelardo Garcia upang habulin ang tumakas na suspek, at nabawi rito ang mga gamit ni Cabuz, bukod pa sa nakumpiskahan ng sachet ng hinihinalang shabu.

(Bella Gamotea)