Sinibak ng Office of the Ombudsman sa serbisyo ang isang alkalde ng Lanao del Sur dahil sa hindi nito pag-aksiyon sa pinababayarang back salaries at leave application ng isang empleyado nito noong 2014.
Bukod sa dismissal from service, kinansela na rin ang civil service eligibility ni incumbent Balabagan Mayor Edna Ogka-Benito, gayundin ang kanyang retirement benefits at pinagbawalan na rin siyang humawak ng anumang posisyon sa pamahalaan.
Nahaharap din si Benito sa kasong kriminal, partikular na sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Sa naging desisyon, idinahilan ng Office of the Ombudsman na napatunayan nilang nagkasala si Benito sa grave misconduct dahil sa pagsuway sa alintuntunin sa pagbabayad ng suweldo at leave approval.
Inatasan na rin ang regional secretary ng Department of Interior and Local Government-Autonomous Region in Muslim Mindanao (DILG-ARMM) na ipatupad ang nabanggit na kautusan.
”Under Section 3(f) of Republic Act No. 3019, it shall be unlawful for any public officer to neglect or refuse to act without sufficient justification for a reasonable time after due demand or request has been made on him for the purpose of obtaining, directly or indirectly, from any person interested in the matter some pecuniary or material benefit or advantage in favor of an interested party, or discriminating against another,” sabi pa ng Ombudsman.
(Rommel P. Tabbad)