SA mga huling buwan ng nakalipas na administrasyon, tumindi ang panawagan para sa reporma sa buwis na nakatuon sa pangangailangang magkaroon ng mas makatwirang tax rates. Sa ilalim ng umiiral na singiling buwis na hindi binago simula noong 1997, ang isang mayaman na ang malaking bahagi ng kinikita ay nagmumula sa stock dividends ay dapat na magbayad ng 10 porsiyento nito bilang kanyang buwis, habang ang isang suwelduhang empleyado ay 32% ang binabayaran.
Itinakda ang 32% tax rate may dalawang dekada na ang nakalipas sa malaking kinikita ng matataas na opisyal ng kumpanya. Ngayon, dahil sa inflation, ang rate na ito ay ipinatutupad din maging sa suweldo ng mga karaniwang manggagawa.
Sa kanyang mensahe tungkol sa State of the Nation noong Hulyo, sinuportahan ni Pangulong Duterte ang mga panawagan para sa mas mababang buwis. “My administration will pursue tax reforms towards a simple and more equitable and more efficient tax system that will foster investment and job creation,” aniya. “We will lower personal and corporate income tax rates.” Mula sa 32%, ang pinakamataas na income tax rate ay iminungkahing ibaba sa 25%.
Gayunman, binigyang-diin ng mga kasapi ng Kongreso na kung maipatutupad ang pag-amyendang ito sa buwis, mangangahulugan ito ng mas kakaunting koleksiyon na tiyak na makaaapekto sa operasyon ng gobyerno. Para mabawi ito, iminumungkahi na itaas ang Value-Added Tax (VAT) mula sa kasalukuyang 12% at gawing 15%. Tinutulan naman ito ng ilang kongresista. Iginiit ni dating House Speaker Feliciano Belmonte, Jr. na ang pagdadagdag sa VAT ay magpapataas din sa presyo ng mga pangunahing bilihin, na makaaapekto sa lahat ng mamimili, partikular na sa mahihirap.
Sa Senado, hinimok ni Sen. Ralph Recto, pinuno ng minorya, na bago itaas ang mga buwis gaya ng VAT, dapat na pag-aralan muna ng administrasyon ang iba pang mga paraan upang mapataas ang koleksiyon, tulad ng pagsugpo sa red tape para maging mas madali para sa maliliit na negosyante ang paghahain ng tax returns. Iminungkahi rin niya na magsagawa ang gobyerno ng imbentaryo sa mga gastusin nito, sa layuning mabawasan ang mga pinaglalaanan ng pondo.
Sa pagpapatuloy ng Kongreso sa tungkulin nitong busisiin ang pangkalahatang istruktura ng pagbubuwis sa bansa, iginiit din ni Recto ang pangangailangang pag-aralan ang epekto ng mga pagbabago sa buwis sa ilang sektor ng ekonomiya. Aniya, ang panukalang dagdagan ang excise tax ng petrolyo ay makaaapekto sa sektor ng pagsasaka at pangingisda, hanggang sa punto na lumobo na rin ang presyo ng bigas at isda. Nakiisa ang ilang kongresista sa talakayan, nagpanukalang sa halip na taasan ang VAT taxes, marapat na alisin na lang ng gobyerno ang mga excise tax sa gasolina, kuryente, tubig at iba pang produktong petrolyo.
Nakikita natin sa lahat ng diskusyong ito, hindi lamang ang hakbanging magpatupad ng reporma sa sistema ng pagbubuwis upang maging mas makatwiran ito, gawing mas paborable ang bansa para sa mga dayuhang mamumuhunan, at kumalap ng pondong kinakailangan para sa mga programa ng bagong administrasyon. Ipinupursige rin na ayudahan ang iba pang sektor, gaya ng mga magsasaka at mangingisda at ang mga maralita, sa kabuuan.
Habang itinutuon ng mga economic manager ng administrasyon at mga miyembro ng Kongreso ang kanilang atensiyon sa usapin ng buwis at pinagtatalunan ang iba’t ibang anggulo nito, umaasa tayong sa pagsisikap nilang mareporma ang sistema ay hindi nila maisasantabi ang kapakanan ng mga karaniwang mamamayan at mahihirap na tiyak na direktang maaapektuhan sa magiging desisyon nila.