Ipinasususpinde kahapon ng Sandiganbayan si Roxas, Isabela Vice Mayor Servando Soriano kaugnay ng kinakaharap nitong kasong graft dahil sa umano’y maanomalyang P25-milyon rice program nito noong 2006.
Sa inilabas na ruling ng 3rd Division ng anti-graft court, binanggit na compulsory ang pagpapataw nila ng 90-day preventive suspension kay Soriano, alinsunod sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019).
Ayon sa korte, bukod sa graft ay nahaharap din si Soriano sa malversation of public funds kaugnay ng ilegal na pagpopondo ng P25 milyon ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela sa Economic Development for Western Isabela and Northern Luzon Foundation, Inc. (EDWINLFI) sa nabanggit na taon. (Rommel P. Tabbad)