Sugatan ang isang estudyante makaraan siyang mabundol at takbuhan ng isang motorsiklo habang tumatawid sa pedestrian lane sa Malate, Maynila, nitong Linggo ng madaling araw.
Under observation sa Philippine General Hospital (PGH) si Romart Domondon, 21, estudyante ng Emilio Aguinaldo College (EAC), at residente ng 1179 Arellano Street, Barangay 732, Malate.
Isang alyas “Bok Benzon” naman ang itinuturong suspek sa insidente, matapos matukoy na siya ang may-ari ng motorsiklong may plate number na ZGR-612, na nakabundol sa biktima.
Sa ulat ni SPO2 Rommel del Rosario, hepe ng follow- up unit/hit &run ng Vehicle Traffic Investigation Section ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) ng Manila Police District (MPD), nabatid na tumatawid ang biktima dakong 3:20 ng umaga sa Taft Avenue nang bigla siyang salpukin ng motorsiklo.
Sa halip na huminto at tulungan ang biktima ay pinaharurot pa ng suspek ang motorsiklo palayo sa lugar.
Mabilis namang rumesponde sa lugar sina PO1s Daniel Aldea at Jayson Mora at hinabol ang motorsiklo ngunit hindi ito naabutan, habang isinugod naman ng ilang saksi ang biktima sa Ospital ng Maynila, at kalaunan ay inilipat sa PGH.
Natukoy ng pulisya si Benzon bilang may-ari ng nakabanggang motorsiklo, at kinumpirma naman ng security guard ng natukoy na tinutuluyan niyang IPI Tower sa Makati City na dumating si Benzon sa gusali dakong 3:30 ng umaga, ilang minuto matapos ang aksidente at iniwan ang sasakyan sa parking area ng establisimyento bago muling umalis.
Nabatid din sa imbestigasyon na may sira ang unahang bahagi ng motorsiklo, gayundin sa windshield nito, indikasyon na posibleng ito nga ang sasakyan na nakabangga sa biktima.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga awtoridad para madakip si Benzon. (Mary Ann Santiago)