Gigil na si Philippine National Police (PNP) Chief, Director General Ronald dela Rosa na ipatupad sa bansa ang istilo ng Colombia sa pagsugpo sa ilegal na droga.
Si Dela Rosa ay limang araw na bumisita sa Latin America, kung saan nakipagpalitan ito ng kaalaman sa paglaban sa droga.
“That was a very productive trip. Very professional and I have heard a lot of good practices and hopefully we could use all of these good practices here,” ani Dela Rosa.
Samantala tumanggi ang PNP Chief na ihayag ang istilong ginagamit ng Colombia laban sa drug lords upang hindi umano makaporma ang kalaban.
Katuwang
Hindi naman itinago ni Dela Rosa ang lahat ng detalye, kung saan ipinasilip nito ang ilang sistema, kabilang dito ang pagtutulungan ng Executive at Legislative.
Inihalimbawa nito na sa Colombia, binigyan ng kapangyarihan ng Kongreso ang kanilang pulis na i-wiretap ang mga drug lords, at kumpiskahin ang properties ng mga ito.
“The police there are equipped with the power to wiretap and they also have the power to forfeit properties of drug lords which are considered fruits of their illegal activities,” pahayag ni Dela Rosa.
Sa Pilipinas, hihingi pa ng court approval ang pulisya para mag-wiretap. Samantala hindi tinatanggap na ebidensya sa korte ang resulta ng wiretapping. Hindi rin kayang kumumpiska ng properties ang mga awtoridad.
Dahil dito, hihilingin umano ni Dela Rosa kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipag-utos sa Kongreso ang pagsasabatas ng wiretapping.
‘Di bigo ang Colombia
Kaugnay nito, tiniyak ni Dela Rosa na hindi bigo ang Colombia sa laban nito sa droga.
“It is not yet qualified on why it was a failure. Based on what I have seen there, they really engaged in busting drug cartels,” ani Dela Rosa. (Aaron Recuenco)