“Surrender na kayo kasi identified kayo na drug user.” Ito umano ang igigiit ni Philippine National Police (PNP) Chief, Director General Ronald Bato sa mga taga-showbiz na sinasabing gumagamit at nagtutulak ng party drugs at shabu.
Kahapon, sinabi ni Dela Rosa na iikutin ng pulisya ang bahay at television stations para i-Oplan Tokhang ang sinasabing hanggang 60 singer, dancer at artista na lulong sa droga.
“’Pag ibinigay sa akin ng Presidente iyung listahan na iyun, i-Tokhang natin sila. I-Tokhang natin sa kani-kanilang bahay, kanya-kanyang TV station, ‘surrender na kayo kasi identified kayo na drug user,” ayon kay Dela Rosa sa panayam ng mga mamamahayag.
Sinabi ni Dela Rosa na kung kinatok ng mga pulis ang malalaking subdivisions, wala umanong dahilan para katukin din ang bahay ng mga taga-showbiz na nasa drug list.
“They should be open to the public, huwag nila lokohin,” ayon pa kay Dela Rosa.
Una nang ibinunyag ni Volunteers Against Crime and Corruption chairman Martin Diño nitong Linggo na hanggang 60 celebrities ang nasa drug list na isinumite na kay Pangulong Rodrigo Duterte. Ang mga ito ay user at pusher, ayon pa kay Diño. (Fer C. Taboy)