COTABATO CITY – Kakailanganin ng Department of Agriculture (DA) ang tulong ng mga Badjao bilang mga tauhan sa programang “Bantay Laut” ng kagawaran.
Sinabi ni Agriculture Secretary Manny Piñol na tinukoy na ng kagawaran ang ilang grupong Badjao sa Davao region bilang bahagi ng unang batch na tutulong sa monitoring at pagbibigay ng proteksiyon sa mga dalampasigan laban sa anumang ilegal na aktibidad.
Binigyan ang mga mangingisdang Badjao, na kabilang sa unang batch ng Bantay Laut, ng mga bangkang de-motor na gawa sa fiberglass upang makatulong sa kanilang paghahanapbuhay, habang binabantayan ang karagatan laban sa mga mapagsamantala, ayon kay Piñol.
Kilala rin bilang Sama Dilaut, ang mga Badjao ay nagmula sa etnikong grupo na matagal nang napababayaan ng gobyerno at minamaliit ng lipunan, ayon sa kalihim na isang dating mamamahayag.
“They will be tasked with monitoring illegal fishing activities in the seas fronting their communities and also gather garbage floating in the waters,” ani Piñol.
Sa ilalim ng programa, tatanggap ang mga Badjao ng P3,000 honorarium, sa kondisyong isasailalim nila sa basic literacy program ang kanilang mga anak.
Ang proyekto ay pamumunuan ng 22-anyos na Badjao na si Roben Abdella, na nagtapos na Magna Cum Laude sa Mindanao State University (MSU) sa Tawi-Tawi, ayon sa kalihim.
Sinabi pa ni Piñol na ang susunod na batch ng mga Badjao na Bantay Laut ay magmumula naman sa Zamboanga at Basilan.
(Ali G. Macabalang)