Arestado ang isang dating sexy actress, kasama ang dalawa pang lalaki, sa buy-bust operation sa Quezon City, nitong Linggo ng gabi.
Iprinisinta kahapon ng Quezon City Police District (QCPD) sa media ang kilalang sexy star noong 1990s na si Karen Palasigui, 36, mas kilala bilang “Sabrina M”, matapos siyang madakip dakong 11:45 ng gabi nitong Linggo sa kanyang bahay sa Pulangi Street, Napocor Village sa Barangay Pasong Tamo.
Naaresto rin kasama niya sina Erwin San Martin, 29; at Edwin Coloma, 38, na naaktuhan namang nagpa-pot session sa bahay ni Palasigui.
Inaresto si Palasigui kasunod ng intelligence report na nakarating sa pulisya na nagbebenta umano siya ng ilegal na droga, kaya nagsagawa ang mga pulis ng surveillance operation laban sa kanya.
Sa buy-bust, nag-abot umano ang dating aktres sa poseur-buyer ng isang medium-sized na sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng limang gramo, kapalit ng P6,000 cash. (Vanne Elaine P. Terrazola)