Agad na pinaimbestigahan ni Quezon City Police District (QCPD) Director Senior Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar ang pagsabog ng granada sa Barangay Culiat na malubhang ikinasugat ng apat na pulis at tatlong tanod, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang mga nasugatan na sina SPO1 Romeo Aming, 46; PO2 Sala Udin, 60; PO3 Jaalin Abdul Rajik Alawi, 43; at PO2 Abdul Warid Jubid, 48, pawang operatiba ng QCPD-Station 3 (Talipapa).

Sugatan din ang mga civilian volunteer na barangay tanod na sina Kadafi Udan, 36; Junrey Ploc, 26; at Alex Saluyan, 38, pawang taga-Salam Mosque Village sa Bgy. Culiat.

Nagtamo ang mga biktima ng malulubhang tama ng shrapnel sa katawan mula sa granada na inihagis ng isang riding-in-tandem.

Diokno rumesbak sa pambabastos ng Chinese officials kina Pangilinan, Tarriela, De Lima

Base sa report ni Supt. Danilo Mendoza, ganap na 1:00 ng umaga nang biglang sumulpot sa lugar ang dalawang lalaki na magkaangkas sa motorsiklo at naghagis ng granada sa gate ng isang bahay sa Libya Street sa Salam Mosque Village.

Hinala ng pulisya, posibleng rumesbak ang sindikato ng droga sa pagpapatupad ng pulisya ng Oplan Tokhang at Oplan Galugad, na nagbunsod sa pagsuko ng mahigit 80 sangkot sa droga sa lugar. (Jun Fabon)