MAY ilang salita ang may partikular na dating sa tenga, at awtomatikong nakakakuha ng reaksiyon mula sa tao. Isang halimbawa ang salitang “diktadurya”. Subukan mong sambitin ito at agad na maiisip ng mga tao sina Hitler at Stalin at si Idi Amin. Isa itong negatibong salita na hanggang maaari ay dapat na iwasan ng isang pinuno.
Inakusahan si dating Pangulong Ferdinand Marcos ng pagpapatupad ng kapangyarihan ng isang diktador noong panahong umiiral ang batas militar, na walang Kongreso ng mga iginagalang na pinunong pulitikal at walang malayang pamamahayag upang punahin ang kanyang mga ginagawa. Ngunit hindi niya kailanman tatawagin ang kanyang pamumuno bilang diktadurya.
Matapos na opisyal niyang bawiin ang batas militar noong 1981, pinalitan niya ito ng tinawag niyang gobyernong authoritarian.
Kaya naman nakagugulat na marinig mula sa abogado ni Pangulong Duterte na si Salvador Panelo ang pagmumungkahi ng tinatawag niyang “constitutional dictatorship.” Magiging naaayon ito sa batas, aniya, dahil ang lubos na kapangyarihan ay opisyal munang tutukuyin sa Konstitusyon.
Tiniyak niyang dahil ang Pangulo ay “a man of integrity, beyond corruption”, mapagkakatiwalaan ito ng lahat ng uri ng kapangyarihan, kabilang ang taglay ng mga sangay ng Lehislatibo at Hudikatura, ang dalawang bahagi ng ating demokratikong sistema na kapantay ng Ehekutibo.
Ikinagalit ni Ifugao Rep. Teodoro Bagulat Jr. ang naturang mungkahi ng abogado ng pangulo. “Claims of a state of lawlessness, the supposed pervasive drug problem, and the desire to hasten the speed of reform do not justify the rebirth of a dictatorship,” aniya.
Mismong si Pangulong Duterte ay piniling balewalain ang nasabing panukala para sa isang “constitutional dictatorship.” Hindi na niya kailangan ng karagdagang kapangyarihan; sapat na sa kanya ang naipatutupad niya sa ngayon, alinsunod sa ating Konstitusyon at mga batas. Maaaring binabatikos siya ng mga international observer na nangangambang nalalabag ang mga karapatang pantao sa bansa, ngunit nakatutugon naman siya sa mga batikos na ito, at higit sa lahat, patuloy siyang sinusuportahan ng mamamayan.
Nais niyang amyendahan ang Konstitusyon upang ganap na maisakatuparan ang minimithing makatuwiran at balanseng pag-unlad sa iba’t ibang rehiyon sa bansa sa pamamagitan ng federal na sistema ng pamahalaan. Ngunit hindi para magkaroon ng mas maraming kapangyarihan para sa isang “constitutional dictatorship.” Hindi na niya kailangan ng karagdagang kapangyarihan. At hindi niya nais na makilala bilang isang diktador—nakabatay man ito sa batas o hindi.