Babala: Huwag hayaan ang Philippine Olympic Committee (POC) na manguna sa pagsasagawa ng Southeast Asian Games sa bansa sa 2019.
Ito ang tahasang pahayag ni Go Teng Kok bilang paalala sa bagong pamunuan sa Philippine Sports Commission (PSC).
“Hosting the SEA Games in 2019 is a big endeavour for the country under the administration of President Duterte. But please, huwag ninyong ipahawak sa POC ang preparation, particular in the financial aspect,” pahayag ni Go sa live broadcast ng Radio TV 5 ni sportscaster Ron delos Reyes.
“What happened in 2005, hindi na dapat maulit,” sambit ni Go.
Nakamit ng bansa ang overall championship sa 2005 SEA Games – natatanging kampanya ng Pinas sa kasaysayan ng biennial meet – ngunit magpahanggang ngayon, ayon kay Go hindi pa naipapaliwanag ni POC president Jose ‘Peping’ Cojuangco ang milyones na ginastos sa hosting.
“No proper liquidation. Until now, marami pang hindi nabayaran at maipaliwanag na gastos ang POC,” ayon kay Go.
Tunay na ang magkasama ang gobyerno sa paghahanda sa SEA Games, ngunit ayon kay Go ang POC ang nanguna sa paghahanda at pangangasiwa gayundin sa construction ng mga venue noong 2005.
“This 2019 hosting leave it to the government. Huwag pabayaan na ang POC ang manguna uli.”
Magtatangka si Cojuangco para sa kanyang ikaapat na termino bilang pangulo ng POC sa gaganaping eleksiyon sa Nobyembre.
Hiniling ni Go, dating pangulo ng athletics association, sa kapwa sports official na magkaisa upang mapigilan si Cojuangco sa kanyang muling pamumuno sa POC.
Aniya, maliban sa 2005 SEAG, bumaba ang kalidad ng atletang Pinoy na hindi na makaagapay sa ikaanim na puwesto sa SEA Games sa nakalipas na limang edisyon.
“In the future, pati Laos at Myanmar tatalunin na tayo,” ayon kay Go. (Angie Oredo)