KARAMIHAN sa ating mga mambabasa na kabilang sa grupong manggagawa ay nadismaya dahil sa anila’y sobrang higpit na nga ng police checkpoint sa mga kalsada ay nalulusutan pa rin naman ng mga kriminal, gaya ng riding-in-tandem na muling umiskor nito lamang Biyernes ng umaga sa isang mataong lugar sa Quezon City.

Ang kasamahan nilang lider-manggagawa na si Edilberto Miralles, 64, ay pinagbabaril habang patungo sa National Labor Relations Commission (NLRC) sa may Banawe upang dumalo sa pagdinig sa kaso ng isang transport union na siya ang pangulo.

Dalawang tama ng bala ng kalibre 45 sa ulo ang kumitil sa kanya ganap na 8:30 ng umaga habang pumapasok ang mga tao sa tanggapan ng NLRC.

Ayon sa impormasyon ng ilang lider-manggagawang kasamahan ni Ka Miralles, isa sa dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo, na kung tawagin ng mga pulis ay riding-in-tandem, ang naglabas ng baril at agad ipinutok sa biktima na naglalakad noon sa may bangketa.

Ang sintimyento nila, kabi-kabila naman daw ang checkpoint sa paligid ng NLRC, na nasa gitna pa ng isang highly commercial district sa Quezon City, pero nalusutan pa rin ng mga kriminal na armado ng kalibre 45 na medyo mahirap naman talagang itago kung talagang masisita lamang sa checkpoint.

Sa pag-iikot ko sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila, madalas kong matiyempuhan ang mga nagtse-checkpoint at talagang pinanonood ko pa kung minsan. Bihira silang manita ng mga kotse. Ang target nila palagi ay ang mga naka-motorsiklo upang masupil daw sa pamamayagpag ang mga riding-in-tandem na nangho-holdap, nananambang at pumapatay.

Ang problema - kahit anong dami ng checkpoint sa mga kalsada ay nakalulusot pa rin ang mga riding-in-tandem na ito.

Anong agimat ba talaga mayroon sila? Sa nakikita ko, sobra-sobra pa nga yata ang higpit sa paninita at pagbusisi ng pulis sa mga rider na dumaraan sa mga checkpoint–nasabi ko ito dahil kasi pati wallet ay nakikita kong ipinalalabas at iniinspeksiyon din ng mga pulis sa checkpoint.

Teka muna, madalas din nga pala akong makatiyempo ng mga nasisitang rider na may baril pero pinalulusot naman agad sa mga checkpoint dahil kabaro naman daw nila ang mga ito at kumpleto sa papeles at mga ID – marahil ay nababasa na rin ninyo ngayon kung anong grupo ang naglalaro sa isip ko na maaaring responsable sa mga ganitong uri ng pagpatay?

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)