Nagbabala ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa mga nagnanais na maging overseas Filipino worker (OFW) hinggil sa online scam, kung saan iniaalok ang mga pekeng trabaho sa Canada, Mexico at Europe.
Sa advisory, sinabi ni POEA Administrator Hans Cacdac na isa sa mga nag-aalok ng trabaho sa pamamagitan ng e-mail ay ang Omegal Manpower Services Limited. Naniningil umano ng placement fee ang nasabing kumpanya, ngunit hindi ito lehitimong recruitment agency.
Pinaalalahanan ni Cacdac ang mga naghahanap ng trabaho na mag-ingat sa online job ads, lalo na sa social media.
“Job applicants should ignore unsolicited emails that offer jobs in hotels and hospitals but requires applicants to pay fees for testing, interview and language seminar, or visa orientation,” ani Cacdac.
Sinabi ng opisyal na upang makasiguro ang mga nagnanais mag-OFW, mas mainam na i-check muna sa POEA ang kanilang recruitment agency upang hindi mabiktima. (Samuel Medenilla at Mina Navarro)