CABANATUAN CITY - Magkahalong pag-aalala at pananabik ang nararamdaman ngayon ng pamilya ni Mary Jane Veloso, ang Pinay drug convict na nasa death row sa Indonesia, habang inaabangan ang tawag ni Pangulong Duterte upang iparating sa kanila ang anumang impormasyon tungkol sa status ng kaso ni Mary Jane.

Matatandaang nabanggit ng Pangulo kamakailan sa isang press conference sa Davao City na direkta niyang kakausapin ang pamilya Veloso tungkol sa naging pag-uusap nila ni Indonesian President Joko Widodo nang magtungo roon ang Presidente para sa isang state visit.

“Talagang nasasabik kami sa ibabalita ni Pangulong Duterte. Bukas lahat ang aming cell phone at naghihintay ng tawag mula sa Malacañang,” sabi ni Darlene Veloso, kapatid ni Mary Jane, na tubong Barangay Caudillo, Cabanatuan City.

Tumanggi namang magbigay ng reaksiyon si Darlene tungkol sa ibinalita ng pahayagang Jakarta Post ng Indonesia na pumayag umano si Pangulong Duterte na ipatupad na ang pagbitay kay Mary Jane.

Probinsya

Lolang bibisita sa City Jail, timbog matapos mahulihan ng ilegal na droga

“Tikom ang bibig namin… kasi hihintayin namin ang official word mula sa Palasyo ng Malacañang. Pulos dasal na lang kami sa ngayon,” ani Darlene. (Light A. Nolasco)