Mismong mga tambay ang umaresto sa isang lalaki na umano’y gumagamit ng ilegal na droga matapos umano niyang holdapin ang isang motorista sa Paco, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Nahaharap sa kasong robbery hold-up, illegal possession of deadly weapon at paglabag sa Section 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek na si Carmelo Caramat, 36, ng 1340 Int. 3, Burgos Street, Paco, Maynila.
Inaresto si Caramat sa umano’y pangho-holdap kay Marvin Malbasino, 30, company driver, at residente ng Block 2, Lot 2, Benedicto Compound, Marikina City.
Sa report ni Police Supt. Emerey Abating, station commander ng Manila Police District (MPD)- Station 10, minamaneho ni Malbasino ang isang Nissan Sentra patungong Makati City, dakong 4:00 ng hapon, at pagsapit sa President Quirino Avenue, tapat ng Philippine Columbian, ay napilitan siyang tumigil dahil sa traffic light.
Nagulat na lamang umano ang biktima nang bigla siyang lapitan ng suspek at tinutukan ng kutsilyo, at sapilitang kinuha ang kanyang Nokia cell phone na nagkakahalaga ng P900, bago tumakas.
Nakita ng mga tambay sa lugar ang pangyayari kaya sila na mismo ang humarang at umaresto sa suspek.
Nabawi ang cell phone ng biktima at saka itinurn-over sa mga awtoridad ang suspek na nakumpiskahan din ng dalawang plastic sachet ng shabu sa kanyang beywang. (Mary Ann Santiago)